Marami ang mapipinsala dahil sa walang patumanggang panggagahasa sa kalikasan. Pansariling interes ang puno at dulo nang nangyayaring pagsira sa Biak na Bato.
Ang Biak na Bato ay isang historical landmark sapagkat dito sa bundok na ito nagtago at nagpulong ang mga Katipunero nang mag-alsa sa mga Kastila noong 1898.
Dahil sa walang patumanggang pagku-quarry, halos makalbo na ang bundok at maging ang tubig na dumadaloy sa mga bukal ay apektado na rin. Ayon sa aking nakausap, ang dating malinaw at malinis na tubig na masarap inumin ay nahaluan na ng kemikal dahil sa pagku-quarry.
Si Bulacan Gov. Josie Dela Cruz ay patuloy na nananawagan kay Environment and Natural Resources Sec. Angelo Reyes na ipatigil ang pagku-quarry. Naniniwala si Dela Cruz na bago matapos ang buwang kasalukuyan may konkretong kasagutan na sa kanilang problema sa Biak na Bato.