Sa Yemen, 2001 pa nang burahin ang mga probisyong kontra sa kalakal. Tapos, nagpasa sila ng enabling laws na humikayat ng investors. Dumami tuloy ang hanapbuhay at nabawasan ang karalitaan.
Sa Bolivia, sawa na ang tao sa walang-tigil na banghayang pulitika. Humalal sila nung Disyembre ng maka-Kaliwang lider na ngayoy pinagsasanib ang lehislatura at ehekutibo sa isang parliyamento.
Sa Germany nung Hunyo, ipinasa ng parliyamento ang 25 amyenda na kikinis sa anyong federal nila. Isasalin ng central government sa 16 regional states ang kapangyarihan sa kalusugan, edukasyon at kalikasan.
Makikitang patungo sa kaunlaran at kaayusan ang mga ibang bansa dahil sa charter change. May mga iba nga, tinatamasa na ang resulta ng reporma. Dagsa ang investors sa Thailand dahil walang limitasyon sa Konstitusyon; ang Thai baht tuloy halos doble na ng piso, samantalang pantay lang sila nu;ng 1996. Sa Netherlands, mabilis inalis ang Gabinete sa parliament dahil lang sa katigasan ng ulo ng immigration deputy; hindi na pinalala pang magka-krisis. Sa Spain, bumoto ang Catalonia na maging ikatlo sa 15 rehiyon na maging autonomous; magkakaroon sila ng sariling parliament at may karapatang magpataw ng sariling buwis.
Sa Pilipinas kawawang Pilipinas nilalait-lait ang charter change. Tinutuya ng mga elitista na bayaran lang o hindi nakakaintindi nang mga pumirma sa peoples initiative para bumago tungong parliamentary form. Binabara ng mayor ng isang maliit na pook ang pagberipika sa mga pirma. Ayaw bumitiw sa kapangyarihan ang mayayaman at malalakas. Tila nais ay magrebolusyon pa ang maliliit bago magkaroon ng pagbabago.