US nag-react sa ‘anomalya’ sa Ombudsman

BALITA ko "na-high blood" ang US Embassy sa pagsasampa ng kasong katiwalian laban sa isang Deputy Ombudsman dahil sa pamemeke ng dessistance upang resolbahin agad ang isang kaso. Natural. Nagbigay ng P1 bilyon ang Amerika para sa kampanya ng gobyerno laban sa katiwalian na agad namang tinumbasan ni Presidente Arroyo ng kaparehong halaga. Tapos, ang tanggapang taga-usig ng mga corrupt ang siya pang madadawit sa eskandalo.

In fairness,
maganda ang reputasyon ni Ombudsman Mercedita Gutierrez. Pero madalas na ang nakasisira sa namumuno ay yung mga "anay" na nakapaligid sa kanya. May nagsampa ng kaso laban kay Deputy Ombudsman for military and law enforcement offices na si Orlando Casimiro. Mr. Casimiro must have his day in court. Sa bigat ng mga paratang sa kanya, dapat ang masusi at walang pinapanigang pagsisiyasat. Kung talagang may sala, sibakin at papanagutin to the fullest extent of the law. Kung hindi naman, malilinis niya ang kanyang pangalan. "Mala-sindikato" raw ang estilo ni Casimiro, ayon kay graft investigation officer Gilbert Bueno na siyang nagharap ng kaso.

Noon daw nakaraang taon, inutusan ni Casimiro si Bueno na resolbahin agad ang kasong Fructuoso Villarin etal vs SPO4 Francisco Torres, etal. Umatras na raw ang mga complainants. Natuklasan ni Bueno na ang affidavit of dessistance ay peke. Ang mga lagdang naroroon ay hindi talaga pirma ng mga complainants.

Agad daw sinabi ni Bueno ang natuklasan kay Casimiro pero binalewala ang sumbong. Ipinagmatigasan daw ni Casimiro na resolbahin na ang kaso. Nag-akusa rin si Bueno na "ibinebenta ni Casimiro sa highest bidder" ang kasong hinahawakan nila sa Ombudsman. Ayon kay Bueno, katakataka ang paglobo ng mga ari-arian at kayamanan ni Casimiro kaya ito’y kakasuhan din niya ng di maipaliwanag na yaman. Sana’y walang mangyaring whitewash sa usaping ito at ang lumutang ay ang buong katotohanan.

Email me at alpedroche@philstar.net.ph

Show comments