Panibagong pambobola?

PINAGSISIGAWAN ng Malacañang na P1 billion piso ang pinarerelease ni Madam Senyora Donya Gloria para sa Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police upang lipulin ang mga miyembro ng New People’s Army at ang Communist Party of the Philippines.

Sa papel ay napakaganda ng nais ni Madam Senyora Donya Gloria dahil tunay na matagal na talaga ang kampanya laban sa NPA. Ang NPA insurgency ho ang longest running insurgency sa buong mundo.

Kaso, baka nakakalimot si Madam Senyora Donya Gloria na ang tunay na dahilan kung bakit maraming nahihikayat na sumama sa NPA ay ang patuloy na paghihirap ng ating mga kababayan at ang patuloy na kakulangan ng pantay-pantay na karapatang mamuhay ng maayos.

Hindi ho bala ang kasagutan ng insurgency. Ang kailangan ho ay ang maayos na pamumuhay at pantay-pantay na pagkakataon sa bawa’t Pilipino. Naniniwala ho ako na bilang na bilang lang ang tunay na namumundok dahil sa ideolohiya. Ang karamihan ho sa kanila ay sumanib sa mga NPA dahil walang makitang katarungan dito sa ating lipunan at pang-aaping tinamo nila o ng kanilang kaanak at kapamilya sa mga naghaharing uri.

Matutupad lang ho ang kaayusang ito kung mag-uumpisa si Madam Senyora Donya Gloria na tiyaking ang bawa’t sentimong ginagastos ng kanyang administrasyon ay para sa kaunlaran ng bayan at hindi ng iilan.

Kailangang alisin ang anumang uri ng corruption at pang-aapi sa sambayanan hindi lang ng mga pulitikong kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria kung hindi ng ilang mga matataas na opisyal ng AFP at PNP na komo may mga hawak na baril ay nasusunod sa lahat ng gusto.

Pero paano magagawa ni Madam Senyora Donya Gloria ito kung hanggang sa araw na ito ay ayaw niyang sagutin ang katanungan tungkol sa bilyong pisong fertilizer scam ni Jocjoc Bolante na kasama at kaibigang matalik ng esposo niyang si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo.

Dapat ding bigyang linaw ni Madam Senyora Donya Gloria ang tungkol sa iba-ibang haba ng mga Bailey Bridges pero iisa ang presyo na siniwalat ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson.

Hindi rin dapat kalimutan ang JOSE PIDAL account sa Hong Kong at ang IMPSA deal ni dating Justice Secretary Hernando Perez at itong ex-convict na si Mark Jimenez.

Puwera pa riyan ang pinaka-controversial na HELLO GARCI tapes na hanggang ngayon ay ayaw sagutin ni Madam Senyora Donya Gloria.

So paano niya ipatutupad ang anumang paraan upang tigilan ang corruption kung hindi mag-uumpisa sa kanya. Paano niya mapapasunod ang mga tauhan niya na tiyak alam na alam na may hawak sila sa kanya.

Paano niya sasabihin na huwag kumita sa pagbili ng piyesa ng armas na bibilhin para sa mga sundalo at pulis kung alam nilang kumikita ng ilegal na pera ang mas nakakataas sa kanila.

Hindi pa nga nare-release ang pera ang pinag-uusapan na ay kung kaninong kontrata mapupunta ang pagbili ng mga bagong gamit na kasama ang mga baril, two way radio at ultimo mga helmet at boots.

Aba kung gumagawa ang boss mo natural na gagawa rin ang mga nasa ibaba. Ang lagay ba sila lang ang magiging maligaya. Yan ang obvious na mangyayari kaya mauuwi rin sa press release lamang ang announcement nito ni Madam Senyora Donya Gloria.

Nakalimutan na ba natin ang lilipulin ang Abu Sayyaf, ang six million jobs, ang eradication of graft and corruption at ang pinakasikat na hindi na siya muling tatakbo.

Marami pa hong iba pero gaya nga ng sinasabi natin, mauuwi lang ito sa magandang sound bites, headline stories at publicity stunt.
* * *
Sa hirap ng buhay ay dinadagsa pa rin ako ng text messages at e-mail ng mga nais magtrabaho sa Iraq at Afghanistan. Uulitin ko ho, ipinagbabawal ang trabaho sa Iraq ng ating gobyerno at ang sa Afghanistan naman ay sa Philippine Overseas Employment Administration kayo magtungo at magtanong. Mahirap akong magbigay muli ng address ng dalawang recruitment agencies dahil baka isipin na ako ay kasali sa pagpapadala ng manggagawa sa dalawang bansa.

Natalakay ko lang ito para ipakita na ang mga kababayan natin makakita lang ng trabahong bubuhay sa pamilya ay handang kumapit sa patalim. Sana ho maintindihan ninyo ako.
* * *
Para anumang reaksyon o kumento, mag-e mail lang sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments