Ang Poro Point na isang dating US military base ay kasama sa itinayong special economic zone kasama ang Subic, Clark at John Hay. Ayon sa ating local contacts, lubhang malayo at isolated ang Poro Point at puwedeng gawing daungan ng mga barkong nagdadala ng puslit na kalakal.
Ang Poro Point ay dating Wallace Air Station sa San Fernando, La Union. Malawak at puwedeng daungan ng mga malalaking barko. Nang magwakas ang US-RP military bases agreement, iniwanan na ito ng mga Kano.
Sa kasalukuyan ang nangangasiwa rito ay isang seaport operator na kung tawagin ay Bulk Handlers, Inc. Kabado raw ang kompanyang ito. Nakaamoy siguro na may ibang interested party na ibig itong sulutin sa pangangasiwa ng daungan. Kaya ngayon pa lang ay nakikipaglaban na nang matindi para manatili sa puwesto.
Ang balita ko, matindi ang konek ng kompanyang ito sa nakaraang administrasyon ni Presidente Estrada kaya nakuha ang Poro Point. Nang tumalsik sa kapangyarihan si Estrada, ang dayuhang may-ari nitoy umalis na rin sa Pinas at iniwanan ang negosyo sa kanyang asawa.
Nang nakuha ng kompanya ang kontrata noong 1999, pinalitan diumano ang lahat ng security force na nagtatanod doon ng sarili nilang sikyu. Kakaunti ang nakaaalam kung anong katiwalian ang nangyayari sa loob ng Poro Point. May mga balibalita, bagamat hindi dokumentado, na ginagamit ang daungan sa pagpupuslit ng bigas at iba pang kalakal.
Malay natin, baka pati heavy equipment tulad ng bulldozers o mga luxury cars ay naipupuslit na sa Poro Point? Mahirap ipasok sa bansa ang ganyang produkto pero sa Poro Point, hindi imposible. Napakalapit diyan ng China na alam naman nating aktibo sa produksyon ng mga ganyang kalakal.
Inuulit ko, dapat magtanod mabuti ang pamahalaan lalo pat kailangan nito ng dagdag na revenue. Huwag naman puro taumbayan ang pinipiga sa buwis habang may mga dapat magbayad ng bilyun-bilyon pero tahasang nakaiiwas.
Email me at alpedroche@philstar.net.ph