Pagkaraan ng pitong taon, naungkat ang isyu sa pagbitay kay Echegaray nang ipahayag ni Supreme Court Chief Justice Artemio Panganiban na nagkamali ang korte sa paghatol ng bitay sa rapist. Dapat daw ay habambuhay na pagkabilanggo lamang ang hatol. Hindi raw napatunayan ng Korte ang relasyon ni Echegaray sa biktima. Hindi raw ito napatunayang ama, amain o di kayay lolo ng biktima.
Ang ipinahayag ni Panganiban ay nagbunga nang maraming katanungan. Dapat pa bang paniwalaan ang Korte Suprema? Kung ang mismong Chief Justice ay nagsabing mali ang pagkahatol sa nabitay na rapist, hindi kaya marami sa mga nakakulong ngayon sa National Bilibid Prisons o maski ang mga nabitay na ay mga mali ang desisyon. Pagkaraan ng pitong taon ay saka lamang nagsalita si Panganiban at ang nakatatawa rito, isa siya sa mga hukom ng panahong ibaba ang sentensiyang bitay kay Echegaray.
Maski ang mga nasa Korte Suprema ay nagulat sa pinahayag ni Panganiban. Hindi raw dapat nagsalita ng ganoon ang Chief Justice. Mismong ang pinamumunuan niyang organisasyon ang inilublob niya sa kontrobersiya.
Nahalungkat ang dati nang malalim na sugat at tiyak na umaantak dahil sa mga binitawang pananalita ni Panganiban. Mas lalong mahapdi sa naging biktima ni Echegaray na ngayon ay nananahimik na kasama ang sariling pamilya. Payapa na sana ang buhay ng biktima pero dahil sa sinabi ni Panganiban, nagkaroon ng alinlangan sa kanyang isipan. Ginahasa na nga siya ay parang lumalabas pa na walang kasalanan ang taong lumapastangan sa kanya. Malaki ang epekto ng mga pahayag ng Chief Justice tungkol sa aniyay judicial error kay Echegaray.
At ngayon nga, kung mapatutunayang nagkamali, babayaran pa ang mga kamag-anak ng rapist. Matindi naman ang sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel na dapat ay P10 milyon ang ibayad sa mga naulila ni Echegaray.
Nagkasala na ay babayaran pa. Ganito ba Chief Justice Panganiban?