Tumagal ang giyera hanggang 1913 miski nahuli ng mga Amerikano si Presidente Emilio Aguinaldo nung 1901. Habang may nagrerebelde pa, hinangad ng mga Pilipino na magkaroon ng sariling pamunuan sa ilalim ng Amerikanong governor-general. Kaya itinayo ang Philippine Assembly nung Oktubre 1907. Unicameral din ang anyo nito.
Nung 1917, tinatag ng Jones Law ang Senado bilang pangalawang lehislatura. Ipinilit ng Amerika sa Pilipino ang sistema nilang bicameral. Maaga pa, pakay na raw kasi ng Amerika na ihanda ang mga politikong Pilipino para sa Commonwealth na tulay tungo sa ganap na Republika. Ang Commonwealth ay magkakaroon ng Presidente. Nais ng Amerikano na isang pinuno na lang ang kausap para mas madali ang administrasyon, lalo nat may rebelyon noon sa Mindanao. Kinailangan bumuo ng Senado bilang training ground para sa pinaka-mataas na puwesto.
Noon namang Commonwealth, nagdaos ng convention na susulat ng Konstitusyon. Muli, unicameral ang itinatag na lehislatura. Ayaw ng mga Pilipino na mabara ng iilang mayayamang senador ang mga desisyon at kaunlaran. Pero wala pang isang taon, pinabago ito ng Amerika at ipinilit muli sa Pilipinas ang bicameral.
Nagtatag si Marcos ng unicameral parliament, tawag ay Batasang Pambansa, nung martial law. Pero pekeng parliamento ito na taga-oo lang sa mga batas na si Diktador Marcos mismo ang umaakda.
Nang bumagsak si Marcos nung 1986, bumalangkas ng bagong Saligang Batas. Sa huling araw ng sesyon ng Constitutional Commission pinagbotohan kung presidential o unicameral parliament ang sistema. Naku, natalo ng isang boto lang ang huli.