Dalawang hakbang sa Charter change

MAINAM sanang paraan ng pagbago sa Konstitusyon ang constituent assembly ng Senado at Kamara. Sa isang pasada, maipapasa nila ang tatlong reporma: pag-alis ng hadlang sa investments para magkatrabaho lahat at maibsan ang kahirapan, paglatag ng matatag na parliamentary form, at ganap na awtonomiya sa federal structure.

Kaso, ayaw ng Senado umupo kasama ang Kamara. Iginiit ang magastos at mabagal na constitutional convention. Kaya napilitan ang Sigaw ng Bayan mangalap ng pirma sa people’s initiative. Siyam na milyon ang lumagda – sobra sa 12% na hinihingi sa Konstitusyon. Ang haharapin na lang ng initiative ay ang pasya ng Korte Suprema kung sapat ang batas para sa people’s initiatve. Kung umoo ang Korte, plebisito agad na susuportahan ng samahan ng mga gobernador, mayor, bise, provincial board members, at konsehal.

Ang problema lang sa people’s initiative, paisa-isang amyenda lang ang puwede, hindi pagrebisa ng buong Konstitusyon na puwede sa constituent assembly at constitutional convention. Kaya ang proposisyon ng Sigaw ay para lamang sa parliamentary form. Kung manalo ito sa plebisito, inaasahan ng Sigaw na itutuloy ng Interim Parliament ang dalawa pang reporma: sa ekonomiya at federal, na idadaan muli sa plebisito. Kumbaga, naging dalawang hakbang ang Charter change.

Pero gan’un talaga kahirap magreporma sa Pilipinas. Hindi basta ibibigay ng naghaharing uri ang poder. Kailangan unti-unti itong agawin sa kanila ng taumbayan. ‘Yung iba nga, nagrerebelde na dahil sa inip sa reporma. Pero sa two-step Cha-cha mapayapang marereporma ang bansa.

Batay sa huling survey ng Pulse Asia nu’ng Marso 2006, 67% ng madla ang nais ng Cha-cha (43% agad at 24% unti-unti, laban sa 24% ayaw sa pagbabago. Malaking lundag ito mula sa 56% nu’ng Marso 2005 (29% agad at 27% unti-unti, laban sa 28% ayaw sa pagbabago).
* * *
Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).

Show comments