NAIA-3 "vampires" exposed!

KATULAD nila’y maninipsip ng dugo. Hindi man sila ang mga literal na kampon ng kadiliman, ang talamak na kasamaan ng mga ito’y matatawag na diaboliko. Nagkakamal sila ng salapi sa proyektong substandard kaya pumalpak. Mga taong-gobyerno na nakikipagsabwatan sa mga pribadong kontratista sa kanilang katiwalian.

Ngunit sila’y nangalantad na sa liwanag matapos ang pagguho ng malaking bahagi ng kisame ng NAIA-3, ang ipinagmamalaking world class international passenger terminal. Ang sakunang iyan ang nagbulgar sa katiwalian ng mga tao sa pamahalaan at mga kakutsabang kontratista kasama ang Philippine International Air Terminals Corp. (PIATCO). PIATCO ang nagpatayo ng pasilidad at ngayo’y sinisingil ang pamahalaan ng US$650 milyon.

"Tip of the iceberg"
lang. Iyan ang sinabi ng isang international consultant na tumestigo pabor sa pamahalaan sa International Court for Settlement of Investment Disputes (ICSID). Ibig sabihin, posibleng malalantad pa ang mas malaking depekto ng istruktura.

Kung sa paga-andar lang ng aircon ay bumagsak na ang kisame, paano pa kaya kung yanigin ito ng dagundong ng mga dambuhalang eroplano? Hindi dapat magbakasakali ang gobyerno rito. Kung kailangang buwagin ang istruktura, gawin ito kaysa mapahamak ang maraming pasahero sa hinaharap. Tama ang Board of Airlines Representatives (BAR) na siyang pumili ng grupong masusing mag-iinspeksyon sa gusali. Bagamat pamahalaan ang magbabayad sa mag-o-audit sa NAIA 3, tama lang na BAR ang pipili ng grupong magsisiyasat sa tibay ng gusali. Thorough inspection ang kailangan bago buksan ang terminal para siguruhing walang sakunang magaganap sa NAIA 3.

Hinggil sa sinisingil na pera ng PIATCO, payo ko sa gobyerno, huwag muna. Hindi natin sinasabing huwag magbayad pero dapat munang tiyaking materyales fuertes ang istrukturang ito at hindi mapupurnada ang pera ng bayan.

(Email me at alpedroche@philstar.net.ph)

Show comments