Tama ang sabi ng Reporters Sans Frontieres (Reporters Without Borders) na ikalawa nga ang Pilipinas sa pinaka-mapanganib na lugar para sa mga journalists. Kalabisan nang sabihin, na ang isang paa ng mga journalists sa Pilipinas ay nakasawsaw na sa hukay. Nang patayin ang photojournalist na si Arnold Ursulino ng pahayagang Saksi noong nakaraang linggo, sinabi ng International Federation of Journalists na nakabase sa Brussels, na nakababahala na ang nangyayaring ito sa mga mamamahayag sa Pilipinas. Lumalala pa raw lalo ang sitwasyon sa Pilipinas. Sa halip na mabawasan ang mga pagpatay sa mga mamamahayag ay lalo pang nadadagdagan.
Sa pagkapatay sa radio commentator na si Fernando Batul, 36, tiyak na lalo pang mababahala ang mga grupo ng mamamahayag sa mundo. Baka sa halip na number two ay maging number one na ang Pilipinas dahil sa sunud-sunod na pagpatay. Isang linggo lang ang lumipas nang patayin ang photojournalist ay eto na naman at isang radio commentator naman ang itinumba.
Napatay ang commentator na si Batul nang pagbabarilin ng dalawang lalaking naka-motorsiklo dakong 6:35 ng umaga habang patungo sa kan-yang trabaho. Minamaneho ni Batul ang kanyang multicab nang pagbabarilin. Nagtamo siya ng 12 tama ng baril sa katawan. Si Batul ang ika-79 na journalist na napatay mula noong 1986, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines. Siya ay dating vice mayor.
Marami nang napapatay na mamamahayag at ang nakapanlulumo, karamihan sa mga pagpatay ay hindi nalulutas. Matagal nang humihingi ng hustisya ang mga kaanak ng napatay na journalists subalit mailap ang katarungan.
Ang pagpatay kay Batul ay maaaring mapabilang sa mga unsolved crimes. Hindi na makakakuha ng hustisya ang mga kaanak. Ang pagpatay sa mga mamamahayag ay nararapat na bigyang katapusan. Pero sino ang magtatapos gayong maski ang karaniwang mamamayan ay hindi maprotektahan ng pamahalaan.