Pinakadakilang tao

Sa lahat ng taong nabuhay sa mundo

Kaiba ang Ina at ang puso nito;

Ang lahat ng Ina ang tanging ginusto

Ligaya ng anak — ligaya ng bunso!

Ang Ina ay Inang laging nagmamahal

Ilan man ang anak na kanyang iluwal;

Mabuti’t masama ang anak na basal

Minamahal niya na sa puso’y bukal!

Mayro’ng mga Inang nang dahil sa anak

Hindi alintana saanman masadlak;

Kahi’t kamataya’y kanyang hinaharap

Upang ipadama ang kanyang paglingap!

Mayro’ng mga Ina na handang magdusa

Upang mailigtas ang anak na sinta;

May mga Ina pang pati kaluluwa

Ay handang isugal para sa anak n’ya!

May mga Ina pa na ang tanging hangad

Maging matagumpay ang mahal na anak;

Kahi’t musmos pa nga at kulang sa edad

Pinag-aaral na sa eskwelang tanyag!

At may mga Inang ang dangal at puri

Ay inilulusong sa dagat-asupre;

Tanging nais nila sana’y mapabuti

Ang kinabukasan ng anak na tangi!

Kaya ang daigdig ay hindi daigdig

Kung wala ang Ina na hulog ng langit;

Siya ang sandigan nitong pananalig

Simbulo ng buhay — tapat na pag-ibig!

Sa balat ng lupa kung ang Ina’y wala

Ay wala rin tayo sa ating buntala;

Sa lahat ng taong nabuhay sa lupa

Ang Ina ang siyang pinakadakila!

Show comments