Ang 300-company PSE Index ay umangat ng 118.93 puntos at nagsara sa 2,589.17 matapos lumobo ng hanggang 2,602.46 puntos. Pinakamataas ito na naitala ng index mula noong Hulyo 13, 1999. Ang pagtaas ng stocks ay may direktang kaugnayan sa sitwasyon sa ating bansa sa nakalipas na linggo. Hindi man siyento porsyentong mapayapa ay naipakita ng pamahalaan at ibang nagmamalasakit na sektor ang kakayahang makontrol ang posibleng magulong scenario. Halimbawa, nabigo ang tangkang patalsikin ang Pangulong Arroyo nung Pebrero. Naging mapayapa ang Labor Day rallies.
Nagpakita ng disiplina ang lahat ng sektor ng lipunan pati ang mga law enforcers at yung mga nasa "leftist sector." Sanay masundan pa ito ng mga positibong pangyayari. Kung magkakagayon, lalu pang daragsa ang mga mamumuhunang papasok sa bansa na magbubukas ng maraming employment opportunities. Magiging madali para sa gobyerno na ipatupad ang mas maraming proyekto sa kapakanan ng bayan. Suma total, masasabi na ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa peace and order ay para sa kapakanan nating lahat. Ilakip pa riyan ang planong pagreporma sa Konstitusyon. Sa mga pagbabagong iyan, kasama ang probisyong paborable sa pagpasok ng mga foreign investors na hindi nakasaad sa kasalukuyang Saliganbatas. Sa ngayon ay hindi masyadong dama ng taumbayan ang pag-angat ng kabuhayan. Pero kung talagang malayang makapagbubukas ng negosyo ang mas maraming investors, giginhawa na rin si Juan dela Cruz.
Sanay tuluy-tuloy na ang pagkakaisang ito ng bawat sektor ng lipunan dahil itoy para sa ating ikabubuti. Huwag munang isipin ang mga political personalities na kinamumuhian natin. Ang mahalagay malayang maisulong ang mga pagbabagong kapapakinabangan nating lahat.
E-mail me at alpedroche@philstar.ne.ph