Nang dahil sa mga tagpong katulad nito, muli na namang lumitaw ang patuloy na katanungan ng marami. Bakit ba tumagal ng 5 taon na hindi man lamang umuusad ang pagdinig sa mga kaso laban sa dating pangulo? Sa tagal na ng panahon, dapat sana ay tapos na ang trial at lumabas na ang desisyon at alam na ang kahihinatnan ni Erap. Guilty ba siya o hindi? O patuloy ba siyang ikinukulong upang ang mga kalaban niya ang siyang mga magtamasa ng lahat ng bunga ng kapangyarihan.
Mas marami kaming nakikitang kapakinabangan kung mahahatulan na ang dating pangulo sa kanyang mga kaso. Mababawasan ang sakit ng ulo ng ating pamahalaan lalo na ang kasalukuyang pangulo at iba pang mga opisyal, ang kapulisan, military, korte at ang lahat ng sektor na may kinalaman sa hustisya. Hindi gawang biro ang ginugugol na salapi at panahon upang harapin ang lahat ng pangangailangan sa pangangalaga sa dating pangulo.Maipagmamalaki natin sa buong daigdig na buhay ang katarungan sa Pilipinas.
Yun nga lang, hindi natin alam kung ano naman ang pwedeng gawin ni Erap kapag siya ay nakawala na lalo na kung siya ang mananalo sa kanyang mga kaso. Maaari niyang buweltahan ang mga kalaban niya sa pulitika lalo na ang mga may kinalaman sa pagpapakulong sa kanya. Tandaan ninyo na lumalakas ng lumalakas ang impluwensiya ng dating pangulo. Nasasaksihan na natin na marami pa rin ang kanyang mga followers at mga naniniwala pa rin sa kanya.
Subalit, alam ko na hindi naman tanga si GMA at ang kanyang kampo, kabisado na nila kung ano ang kanilang gagawin kay Erap. Nuon pa mang umpisahang ipakulong si Erap ay nakaplano na ang lahat. Marahil ay lalo pang pinagbuti at up-to-date ang estratehiya nila kay Erap at sa mga personalidad na katulad ni Erap. Siguro ay kasama na rin sa plano nila ang pagbibigay sa ilang kahilingan ni Erap upang maipakita na hindi nila masyadong sinasakal si Erap.
Abangan...