Panawagan sa mga magulang…

PANAWAGAN para sa mga magulang at anak. Nakatawag sa aming pansin ang patuloy na pagdami ng mga reklamo sa aming tanggapan hinggil sa mga kaso ng pagmamaltrato at pangangastigo.

Para sa aming grupo, hindi pangangastigo ang sagot o tamang pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak partikular na ang mga menor de edad na bata sapagkat nagdudulot ito sa kanila ng matinding takot at natatanim ito sa kanilang musmos na pag-iisip.

Kagaya na lamang ng inilapit sa aming kaso na naipalabas namin sa aming programa nitong nakaraang Sabado. Ang kaso ng pangangastigo ng isang ama sa kanyang mag-iina.

Nasaksihan ng aming grupo kung ano ang naging resulta ng sinapit ng mga bata sa kamay ng kanilang butangerong ama partikular na ang panganay na batang babae ayaw na lumapit o makita man lamang ang kanyang ama sa sobrang takot na baka masaktan muli.

Para sa aming grupo, ang mga anak ay dapat mahalin, arugain sa halip na pagbuhatan ng kamay at pagmalupitan. Kung may nagawa mang pagkakamali, dapat na ipaliwanag dito ang kanyang pagkakamali sa maayos na pamamaraan.

Bagamat nakatulong kami sa mga biktima, inulan naman kami ng batikos, dahil para sa ibang nakapanood, kalabisan na diumano ang ginawa ng aming grupo dahil nakakulong na raw ang butangerong ama ng mga bata.

Hindi na raw dapat pang panghimasukan ng aming grupo ang kaso sa kadahilanang may proseso raw ang ating Saligang Batas na nararapat na sundin kung kaya’t hindi na daw namin dapat pang panghimasukan ang kaso.

Nais naming ipabatid sa mga tumuligsa sa aming grupo hinggil sa aming hakbang na ginawa na hindi kami basta-basta nanghihimasok sa bawat problemang inilalapit sa amin. Pinag-aaralan muna namin ito bago pa man kami magsagawa ng anumang hakbang.

At sa kasong ito, ipinakikita lamang namin na hindi sapat ang ikulong lamang ang mga amang katulad ng butangerong ipinalabas namin. Ang mga kagaya niya ay dapat na kausapin sa lengguwaheng gaya ng lengguwahe niya upang maunawaan niya ang kanyang pagkakamali.

Show comments