Nabulaga na lamang ang marami sa biglang pagsingaw ng balitang nangangalap na ng pirma sa mga barangay ang mga grupo, non-government organization at iba pang sector na nagsusulong para ma-ammend ang 1987 Constitution. Ayon sa report pinakamarami ang pumirma sa Luzon.
Walang kamalay-malay ang taumbayan na nagkakaroon na pala ng pirmahan at baka isang umaga, malaman na lamang ng lahat na tuloy na nga ang Cha-cha. Magigising na lamang ang lahat na mapapalitan na ang sistema ng gobyerno. Mula sa presidential ay magiging parliamentary.
Pero malaking alingasngas ang pagpapapirma sapagkat sangkot umano ang pera sa pagkakataong ito. Kumakalat ang pera para mapadali ang pagpapirma. Inuuna ang mga barangay na ang mga tao ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari sa lipunan. Unang hinihikayat ang mga walang makain at sinisilaw sa kaunting barya.
Ayon kay Senator Aquilino Pimentel Jr., P20,000 ang allotted ng Malacañang para mapondohan nang husto ang pangangalap ng pirma. Todo ang gagawing pangangalap ng pirma para maisakatuparan ang matagal nang hangad na pagpapalit ng Konstitusyon.
Ang ganitong balita ay nakapangangamba. Kung ang Malacañang ang nasa likod ng kampanyang ito, ano pa ang aasahan sa biniling pirma. Nasaan ang demokrasya sa bansang ito? Panibagong panlilinlang na naman ba ang nagaganap na ang kasangkot na naman ay ang mga mahihirap? Ang mga mahihirap ang unang hinihikayat na pumirma sapagkat alam ng mga grupo o organisasyon na madaling pumirma ang mga walang laman ang tiyan. Pakitaan lamang ng barya ay bibigay na.
Nakapangangamba ang nangyayaring ito. Kung sa halip na gumastos nang malaki para mangalap ng pirma, unahin munang i-educate ang mga tao sa tunay na layunin ng pagpapalit ng Constitution. Ipaunawa sa kanila ang mga dahilan. Ipaliwanag sa ka- nila ang mga pros and cons sa gagawing pagbabago. Ito ang dapat at hindi ang ura-uradang pagpapirma.