EDITORYAL - Wakasan ang mga ‘salot’ na drug traffickers

PARAISO ng mga drug smugglers ang Pilipinas, ayon sa report ng United States. Totoo ‘yan at hindi na dapat pagtakhan. Isa sa mabigat na problema ng bansa ay ang illegal drugs.

At maski ang Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) ay ibinulgar na may 10 pang bigtime drug pushers sa Metro Manila at ito ang kanilang pinupuntirya sa kasalukuyan. Sabi pa ni AIDSOTF commander Director Marcelo Ele, inuumpisahan na nilang i-validate ang mga ebidensiya laban sa 10 bigtime drug pushers at kapag natapos, dadamputin na nila ang mga ito.

Sana ay hindi muna pinasabog ng AIDSOTF ang kanilang plano sa 10 bigtime drug pushers. Hindi muna sana sinabi kung ilan ang kanilang bilang at baka makatakas pa sa bitag. Habang inihahanda ang pagbuo ng mga ebidensiya ay dapat nakasiper ang kanilang bibig. Hindi dapat malaman ng mga "salot" na mayroon nang aali-aligid sa kanila. Ngayong binuking na ng AIDSOTF ang kanilang plano laban sa 10 drug pushers, tiyak na magla-lie low ang mga salot.

Hindi na sana nagbibigay pa ng pahayag at gawin na lamang ang pagsalakay katulad ng ginawa sa "shabu tiangge" sa Pasig City. Nasorpresa ang mga tulak sa "tiangge" at hindi nakaporma nang salakayin noong Pebrero 10. Nahatak sa kontrobersiya ng ‘‘shabu tiangge" ang pangalan ni Mayor Vicente Eusebio sapagkat abot-tanaw lamang ang "tiangge" mula sa City Hall. Hindi lamang si Eusebio ang nabahiran kundi pati ang kapulisan. Ilang hakbang lamang ang layo ng Police Community Precinct sa "tiangge". Dalawang taon nang nag-ooperate ang "tiangge" subalit ngayong taon lamang nabuking.

Maganda ang ipinakikita ng AIDSOTF at naniniwala kaming marami pang "salot" ng lipunan ang kanilang malalambat. Kailangan lamang na huwag agad nilang ihayag ang mga plano at baka sa halip na ang mga drug pushers ang masorpresa ay sila ang mabigla.

May katotohanan ang report ng US na ginagawang santuwaryo ng mga drug traffickers ang bansa at wala rin namang dapat sisihin kundi ang gobyerno na rin. Masyadong magaan ang batas at relax ang mga pinuno sa mga dayuhang pumapasok sa bansa. Maraming corrupt sa Immigration at Customs. Ang parusang kamatayan na inihahatol sa mga drug traffickers ay walang bisa. Sino ang hindi matutuwa sa ganito kaluwag na bansa?

Show comments