Noon pang ika-19 na siglo sa Europa, nang sumiklab ang industrial revolution, ipinaglihi na ang konsepto ng komunismo sa isipan ng "tatay" nito na si Karl Marx. Naramdaman kasi ng proletariat o uring manggagawa na silay pinagkakaitan ng hustisya ng mga industrialista at ng pamahalaan. Hindi sapat ang katiting na kita nila sa pawis at dugong ibinubuhos sa kanilang gawain. Pero ang gobyerno ay kumakampi sa mga tinatawag na kapitalista o yung mga panginoon na pinaglilingkuran ng proletariat. In other words, kawalan ng hustisya ang ugat ng komunismo. Sinakyan ng political scientist na si Karl Marx ang kahirapan ng ordinaryong mamamayan upang mabuo ang sistemang komunismo. Kasama si Freidrich Engel inilabas nila sa siglong ito ang Communist Manifesto na siyang nagsilbing "biblia" ng komunismo.
Madugo ito. Lalansagin ang buong sistema ng pamahalaan upang komunismo ang makapaghari. isang sistemang lahat daw ay pantay-pantay. Pero bago ito matamo, kailangan muna ang rebolusyon o digmaan upang pabagsakin ang umiiral na sistema ng gobyerno. Iyan ang dahilan kung bakit ang armadong sangay ng komunismo na New Peoples Army ay patuloy sa madugong pakikibaka. Ambus dito, ambus doon. Atake rito, atake roon. Kailanman ay hindi dapat yakapin ang ganitong ideyolohiya. Pero naririyan iyan. Hindi puwedeng puksain ng giyera o pagpapaputok ng mga armas na pumapatay. Paano ito pupuksain ng gobyerno kung gayon?
Ang sagot, alisin ang inhustisya. Puksain ang kakurakutan sa gobyerno. I-angat ang kapakanan ng mga maliliit na mamamayan na hanggang ngayoy sadlak sa karalitaan. Kapag natugon ng pamahalaan ang mga isyung iyan, communism will die a natural death. Kahit ipakulong ang lahat ng mga communist leaders o bitayin, habang patuloy ang kawalan ng katarungan at paghihirap ng taumbayan, may dahilan ang mga advocates ng komunismo na isulong ang kanilang adhikain.
Mamatay man sila, may mga ipapanganak na ideologues na hahalili sa kanila sa pakikipaglaban.