Kay laki ng pagkakaiba kung ikukumpara sa ibat ibang pagkakataon ang naging karanasan ng mga Pilipino. Ang una ay ang karanasan ng taumbayan bago ideklara ang state of emergency. Malamang na nanginginig pa sa takot ang karamihan sapagkat grabe ang tensiyon dahil sa balitang kudeta at ang pagdedeklara ng martial law.
Nang ideklara ang state of emergency, may kahalong takot at galit ang damdamin ng taumbayan. Ipinagbawal ang pagtitipon-tipon upang ilahad ang pampulitikal na hinaing at panawagan na bumaba si GMA sa puwesto. Pinatunayan ito nang buwagin ang grupo ng mga nagmamartsa at dinala ang lider sa presinto.
Tinake over ng pulisya ang Daily Tribune, isang newspaper na kritikal sa administrasyong Arroyo. Inaresto si Gen. Danilo Lim ng Scout Rangers at retired Gen. Ramon Montaño. Nagkaroon din ng malaking kontrobersiya sa Philippine Marines nang magwala si Col. Ariel Querubin dahil tutol ito sa pag-aalis kay Maj. Gen. Renato Miranda bilang Commandant. Naayos din ang problema. inaresto si Party-List representative Crispin Beltran. Nagkakanlong naman sa House of Representatives ang mga party-lists representatives na sina Satur Ocampo, Liza Maza at Teddy Casino.
Hindi na lumala ang sitwasyon sa Pilipinas. Kapansin-pansin na sawang-sawa na ang mga Pinoy sa People Power. Kikilos lamang silang muli kapag sumobra na naman at hindi na naman nila matitiis ang masamang kalagayan ng bansa. Sa mga matataas na pinuno ng bansa, kumilos na kayo. Magkaisa upang mapagbuti na ang pagpapatakbo sa bansa. Halata na ang masamang intensiyon at bisyo ng karamihan sa inyo. Huwag nang hintayin pang mag-init na muli ang damdamin ng taumbayan. Baka hindi na maganda ang maging kalabasan nito.