Matapang sa mga bumabatikos pero sa mga "uod" na sumisira sa pamahalaan ay hindi? Hanggang ngayon, patuloy pa ring misteryo ang P728-million "fertilizer scam" kung saan ang dating Agriculture Undersecretary na si Jocelyn Bolante ay hindi pa nagpapakita. Patuloy na iniisnab ang senate hearing na pinamumunuan ni Sen. Ramon Magsaysay. Ilang ulit nang pinadalhan ng imbitasyon si Bolante subalit ayaw niyang dumalo. Ang matindi pa, sa kabila na naaakusahan ng corruption si Bolante, nakalalabas pa umano ito ng bansa. Malayang nakadadaan sa Bureau of Immigration sa kabila na nasa hold departure lists.
Ngayoy lumalawak na ang sakop ng "fertilizer scam" sapagkat maging ang dating Agriculture secretary na si Chito Lorenzo ay sangkot na rin sa katiwalian. Si Bolante na tinaguriang "architect" ng fertilizer scam ay noon pang nakaraang taon umalingasaw ang pangalan. Ang fertilizer fund ay pinaniniwalaang ginamit noong 2004 presidential elections para matiyak ang pagkapanalo ni President Arroyo. Halos magkapanabay na sumikat ang pangalan ni Bolante at ni dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano noong nakaraang taon. Pareho rin silang nagtago. Parehong ang isyu ay may kinalaman sa election noong 2004. Lumantad na si Garci subalit madulas at walang pakialam si Bolante.
Sa report na ipinalabas ng Senate blue ribbon committee at agriculture committee, base sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng misappropriation, diversion, at malversation ng public funds. Ang pera ng mga magsasaka ay nalustay ng mga matataas na pinuno ng Department of Agriculture. Sa rekomendasyon ng dalawang committee, nararapat na sampahan ng plunder ang mga opisyales at kabilang diyan sina Bolante at Lorenzo.
Mahigpit ang pamahalaan at nagpapakita ng irita sa mga bumabatikos sa kanila at kabilang diyan si Mrs. Arroyo pero nagpapakita rin kaya ng pagkairita sa mga gumagawa ng katiwalian. Ang "fertilizer scam" ay matagal nang inaamag at inuuod pero magpahanggang ngayon nananatiling misteryo ang lahat. Dapat malaman ng taumbayan, lalo ang mga magsasaka ang buong katotohanan. Karapatan iyan ng bawat mamamayan.