Kamakalawa ay nagsagawa ng misa sa nasabing lugar at dinaluhan ng mga opisyal ng Southern Leyte, mismong mga taga-St. Bernard, opisyal ng pamahalaan at senador. Isang helicopter ang umikot sa guhong lugar at dinilig ng holy water ang kabuuan niyon kasabay din ang pagsasabog ng bulaklak.
Itinigil na noong nakaraang linggo ang paghahanap sa mga natabunan. Nagsiuwi na sa kanilang mga bansa ang team ng foreign rescuers. Wala na raw silang makitang palatandaan ng buhay. Naganap ang pagguho ng bundok sa Bgy. Guinsaugon noong Pebrero 17, dakong 10:00 ng umaga. Karamihan sa mga ama ay nasa kanilang trabaho sa bukid, ang mga ina ay naghahanda ng kanilang kakainin sa tanghalian samantalang ang mga bata ay nasa school.
Isang linggo nang umuulan sa lugar na iyon. Nagkaroon ng lindol ng araw na iyon at sa iglap ay nakarinig sila ng tila ungol. Kasunod na ay ang pagragasa ng lupa, bato at saka putik. Mabilis. Walang patlang. Hanggang sa ganap na matabunan ang buong barangay. Binura sa mapa. Walang makitang palatandaan kung saan nakatayo ang elementary school na umanoy kinaroroonan ng 400 katao.
Sa isang pag-aaral ng mga taga-University of the Philippines-Diliman, ang masamang panahon daw na tumama sa St. Bernard ang naging dahilan kaya gumuho ang bundok at binura sa mapa ang Bgy. Guinsaugon. Matindi at sunud-sunod umano ang mga masasamang panahon na tumama sa lugar na naging dahilan para humina ang lupa partikular ang bundok.
Maaaring may katotohanan ang resulta ng pag-aaral pero malaki naman ang aming paniwala na ang grabeng pagputol sa mga punongkahoy doon ang dahilan. Dahil sa mga illegal loggers at kaingineros kaya naubos ang mga kahoy na pumipigil sa lupa at tubig. Humina nang humina ang lupa roon.
Ang nakatatakot ay baka maulit ang trahedya. Baka magbalik ang mga illegal loggers sa sandaling tumahimik ang isyu sa Guinsaugon. Nararapat silang bantayan. Huwag hayaang siraing muli ang nasira nang lugar. Tama na ang isang malagim na trahedya.