Para sa mga maralita, mahirap isagawa ang pag-aayuno at abstinensiya. Ang kanilang buhay at pamumuhay araw-araw ay mahirap na nga at walang-wala. Ang kanila na mismong pamumuhay ang nais bigyan ng lunas ng ating Panginoon sa pamamagitan ng mga taong nakauunawa ng kanilang kalagayan.
Para naman sa mga mayayaman at may pambili ng pagkain, lalo na ng karne, ang pag-aayuno at abstinensiya ay mainam na pagkakataon upang pahirapan ang sarili bilang pakikiisa sa mga pasakit ni Jesus. At higit na magiging makabuluhan ang kanilang pag-aayuno at abstinensiya kung ang matitipid nila sanhi ng kanilang pag-aayuno at abstinensiya ay kanilang ibabahagi sa ating mga kapatid na mahihirap.
Ang Ash Wednesday ay paalala rin sa ating lahat na tayoy nagmula sa alabok at muling babalik sa alabok.
At pagbalik natin sa alabok, wala tayong maaaring dalhing anuman, maliban sa mga mabubuting gawa na ating isinabuhay dito sa lupa. Paalaala rin sa atin sa araw na ito na kailangang talikdan na natin ang mga maling gawi, asal at pamumuhay, upang kasama ni Jesus, tayo rin ay maging karapat-dapat sa isang panibagong buhay na dulot ng tagumpay ng Pagkabuhay na Muli ni Jesus.
Sa araw na ito, mainam na suriin nating mabuti ang ating mga sarili: Ano ba ang saysay ng aking buhay dito sa mundo? Paano ba ako tunay na makakaambag upang ang buhay dito sa mundo ay maging makabuluhan, at sa ganoon ay makatupad ako sa kalooban ng Diyos?