Bagong alak, bagong sisidlang-balat

NAPAKAMAKABULUHAN para sa mga nagsasabuhay ng Ebanghelyo ang pagbasa para sa araw na ito. Ito ay hango mula sa Marcos 2:18-22.

Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus, at nagtanong, "Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?" Sumagot si Jesus, "Makapag-aayuno ba ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.

"Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naming nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!’"


Bakit mahalaga para sa mga Judio ang pag-aayuno? Sapagkat ito ay tanda na kanilang pinagsisisihan ang mga nagawa nilang kasalanan. Sila pa nga’y nagsusuot ng mga sako, naghihitsurang madungis at malungkot ang mga mukha upang ipakita na sila’y nag-aayuno.

Ngunit para kay Jesus, ang mga alagad niya’y hindi muna dapat mag-ayuno pagkat sila’y dapat na masasaya, dahil sa Siya’y kapiling nila. Kapag wala na Siya (na isinasagisag ng lalaking ikinasal), doon lamang dapat mag-ayuno ang mga alagad niya. Nangangahulugan, kapag kapiling ang Panginoon, walang puwang ang kalungkutan. At sa ibang panig ng Ebanghelyo, itinuro ni Jesus ang tamang pag-aayuno.

Ang ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ay tumutukoy sa pagbabagong-loob. Kapag ang isang tao’y nakapakinig ng Mabuting Balita at gustong isabuhay ito, ang kanyang kalooban ay nababago at magbabago. Sa ganoon, ang bagong alak ay may bagong sisidlang-balat. Ngunit, makapakinig man ng Mabuting Balita at patuloy pa rin ang mali at tiwaling pamumuhay, ang tao ay masisira — tulad ng paglaki ng punit ng lumang damit na tinagpian ng bagong kayo, at pagkawasak o pagkasayang kapwa ng bagong alak at lumang sisidlang-balat.

Tunay ba nating masasabi na tayo’y nagbagong-loob na upang maging karapat-dapat sa "bagong alak" na kaakibat ng pagiging tagasunod ni Jesus?

Show comments