Dati nang trend ito. Mahigit 200 taon nang isinasa-pribado ng mga gobyerno ang pagpapatakbo ng tren o telegraph services, o paggawa ng gamit panggiyera. Patuloy ang mga hakbangin. Sa Australia, pinauubaya sa pribadong kumpanya ang metro-rail. Sa Japan, isasa-pribado na ang postal services. Sa America, ang pagpupulis sa parks ay sa private security agencies na.
Nakinig din ang Pilipinas. Isina-pribado nung 1996 sa dalawang grupo ang serbisyo ng MWSS. Pribado na rin ang pamamahala sa stock market. Medyo pribado na ang pagtayo ng schoolhouses dahil gumagasta lang ng P150,000 ang Philippine Chamber of Commerce and Industry kada classroom, kumpara sa P350,000 kung DPWH.
Ang pinaka-tagumpay na pagsasa-pribado sa Pilipinas ay ang North Luzon Expressway na hawak ng Manila North Tollways Corp. Mabilis ang biyahe dahil patag ang kalsada. Sa tollgate lusot agad dahil may multa sila kung magsapin nang mahigit sampung kotse. Kung may aksidente saklolo at linis agad ang pinangyarihan. At minumultahan ang overspeeding at reckless drivers.
Inis ang mga abusadong trucker sa MNTC. Sanay kasi sila na hindi sinisita ng pulis sa overloading. Suhol lang. Pero pagpasok nila sa NLEX minumultahan sila nang P1,500-P2,700 kada violation. May batas naman kasi sa taas ng truck para hindi tumumba habang kumakaskas sa kurbada. Tig-13.5 tonelada lang din kada axle para hindi mabalian at makabunggo. Buti na lang at pinatutupad ng MNTC ang batas, di tulad ng mga pulis.