Hindi kami basta nag-aaksaya lamang ng panahon at laway na kausapin kung sinumang barabas na makausap namin sa kabilang linya o sa personal man.
Dahil ang pangunahing pakay ng BITAG ay linawin ang reklamong inilapit sa aming opisina ng inyong mga biktima.
Sasampulan ko lang sa kolum na ito ang Human Resources Manager ng EA Manufacturing Corporation.
Isang BITAG staff ang naatasan kong tumawag sa kanilang tanggapan upang alamin ang problemang inilapit sa amin ng dati nilang empleyado.
Pero arogante, bastos at pilosopo nitong sinasagot ang paglilinaw na ginawa ng BITAG.
Hinamon pa kaming turuan na lang daw ang mga nagrereklamo na magsampa ng kaso sa Department of Labor.
Hindi away ang pakay ng BITAG ng araw na yun pero inumpisahan mo kami, pagbibigyan namin ang iyong kagustuhan kung yan ang ikaliligaya mo.
Hindi bagay ang posisyong kinauupuan mo ngayon kung ikaw nga yun, masyado kang makatwiran gayung baluktot naman ang iyong mga patutsada.
Dahil alam ng BITAG ang salitang KONSIDERASYON at PAGGALANG, bibigyan ka pa namin ng mukha sa pagkakataong ito.
Ayusin nyo na lang ang gulong namamagitan sa inyong kumpanya at ng mga dati ninyong empleyado.
At babala na rin sa ibang kumpanyang makakaharap ng BITAG, hindi kami marunong makipag-away puwera na lang kung kami ang uumpisahan.
Tatapatan ng BITAG ang mga lengguwaheng kayang palabasin at salitain ng inyong tanggapan!