DBP prexy pinagbibitiw

MUKHANG tayo’y nasa panahon ng mga protesta at pagpapababa sa tungkulin ng mga nanunungkulang opisyal. Habang nag-uuminit muli ang "Gloria resign" movement, pati pala ang presidente ng Development Bank of the Philippines (DBP) na si Vitaliano Nañagas ay pinagbibitiw din ng mga kawani ng DBP.

Plano raw ng mga kawani ng DBP na kaladkarin at kasuhan sa Ombudsman itong si Mr. Nañagas dahil sa eskandalong kinasuungan nito. Sabi ng isang DBP insider, noong 2004 "namudmod" ng regalo si Nañagas na nagkakahalaga ng $6,335 sa mga opisyal ng World Bank at US Agency for International Development (USAID). Inaakusahan din ang DBP chief na nagpasasa sa Japanese food tulad ng sushi at sashimi sa Kimpura noong 2004. Kaya binansagan daw si Nañagas na "Kimpura king." Hindi tayo umaayon agad sa akusasyon pero sa tingin ko, Mr. Nañagas has some explaining to do.

Well,
ang mga alegasyon ay ibinase na rin sa sariling liquidation report ni Nañagas na dumedetalye sa kanyang expenses na umabot ng $8,786 sa kanyang biyahe sa US noong 2004. Lumilitaw daw base sa mga resibong isinumite niya na kumakain siya sa bantog at mamahaling Kimpura restaurant tuwing ikalawang araw.

Pero pinagdududahan kung talagang namigay siya ng regalo sa mga sinasabi niyang pinagbigyan. Nang beripikahin kasi sa mga tinuran niyang foreign officials, marami sa mga ito ang nag-deny. Kaya naniniwala ang mga concerned employees ng DBP na si Nañagas ang tunay na nakinabang sa malaking ginastos niya o kaya yung ilang "malalapit" na tao sa kanya.

Ang ipinagtataka ng mga empleyado, ang mga resibo sa mga bagay na binili niya sa US at Pilipinas ay iisa ang petsa. Sabi nila, may "teletransporter" ba itong si Mr. Nañagas at nakapag-shopping siya ng sabay sa US at Pilipinas?

Dahil diyan, natuturete raw ang mga troubleshooters na kaalyado ni Nañagas kung paano sila dedepensa sa akusasyon. Ang masasabi ko lang, kung walang kasalanan at sinisiraan lang siya, eh di patunayan. Sa board meeting ng DBP nung Pebrero 8, di raw malaman ng mga kaalyado ni Nañagas kung paano siya idedepensa. Lalong lumala ang sitwasyon porke wala raw sa pulong ang DBP prexy.

Show comments