Ang reklamo ay ipinarating ng mga guro at empleyado mismo ng nasabing eskuwelahan. Ito ay matatagpuan sa Maysan Rd., Malinta, Valenzuela City.
Pagkakalooban din ng sapat na espasyo ng kolum na to ang magiging tugon ng pamunuan at mismong may-ari ng naturang eskuwelahan. Narito ang reklamo ng mga nasabing mga guro at empleyado.
"Mr. Tulfo, narito po ang ilan sa aming karaingan na sana ay agarang matugunan ng mga kinauukulan sa aming pinaglilingkurang paaralan.
Maliit na nga lamang po ang aming sinusuweldo, marami pang deduction sa aming mga sahod. Tulad po ng SSS, Pag-ibig at Philhealth. Inaabot po ito ng mahigit P500. Sa deduction na ito, hindi pa kasama dito ang tax na P601.
Hindi po sana kami magrereklamo kung napupunta po ito sa tamang pagbayaran at hindi kami nadadaya. Nalaman po namin ito nang ilan sa aming mga guro ay mag-"loan" sa Pag-ibig at sa SSS. Natuklasan po namin walang nai-remit ang aming eskuwelahan.
Karamihan po sa amin ay limang taon na sa pagtuturo ngunit nalaman naming hindi sila naghuhulog ng contributions para sa amin gayung kinakaltasan naman po kami.
Sa aming "payslip deductions", P149.80 (Pag-ibig), P233.30 (SSS) at P87.50 (Philhealth). May mga katibayan po kami sa aming mga sinasabi. Dahil dito gusto rin po naming malaman kung nagbabayad din sila ng tamang buwis sa ating gobyerno.
Sana po ay inyong matulungan ang aming problema. Maliit na bagay lamang ito kung tutuusin ngunit marami po kaming naaapektuhan sa panlolokong ito ng may-ari ng Children of Mary Immaculate College."
Sa may-ari ng nasabing eskuwelahan, binibigyan namin kayo ng pagkakataon tuldukan ang inyong di tamang gawain. Itoy bago pa man kayo tuluyan mahulog sa aming BITAG!