Ganoon din sa ating buhay sa araw-araw. Kailangan ang matinding paghahanda at mas malalimang pakikipag-isa sa Diyos, upang ang lahat ng ating gagawin ay tiyak na magbunga.
Sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo, ang diin ay nasa paggawa na naman ni Jesus, hindi sa itinuturo niya. Mas higit na nagiging mabisa ang pagtuturo ni Jesus dahilan sa mga ginagawa niya, lalo na kung ang mga itoy kakaiba sa paningin ng mga ordinaryong tao (Mc.1, 21-28).
Nagpunta sila sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila ng parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: "Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!" Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, "Tumahimik ka! Lumayas ka sa kanya!" Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kayat silay nagtanungan, "Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!" At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Oo, gawa at hindi ngawa ang ating kinakailangan!