Tsekeng walang pondo

MAG-AALAHAS ang matalik na magkaibigang sina Lani at Josie. Minsan, pinuntahan ng dalawa si Myrna upang papalitan ang mga tseke ni Lani. Ginarantiya ni Josie si Myrna na magaling magbayad si Lani at kaibigan niya itong matalik kaya napapayag si Myrna na palitan ng pera ang tatlong postdated checks na inisyu sa kanya ni Lani: EB Check No. 237936 sa halagang P40,000 (September 30, 1992); EB Check No. 237941 sa halagang P16,200; at BPI Check No. 656602 sa halagang P40,000 (November 18, 1992). Subalit nang papalitan ni Myrna ang EB Checks, ito ay tumalbog sa dahilang "drawn against insufficient funds" samantalang ang BPI checks ay "stamp account closed."

At dahil hindi alam ni Myrna ang tirahan ni Lani, si Josie na lamang ang inabisuhan niya tungkol sa pagtalbog ng mga tseke. Ilang beses nangako si Josie na huwag mag-alala dahil magbabayad daw si Lani. Hindi rin nito sinabi kay Myrna ang tirahan ni Lani. At dahil hindi pa rin nagbayad si Lani, naghain ng reklamo laban sa kanya si Myrna ng paglabag sa Bouncing Checks Law (BP22) kung saan isinampa ng piskal ang tatlong kaso ng BP 22 sa Regional Trial Court.

Samantala, itinanggi ni Lani ang reklamo. Inamin man niyang inisyu nga niya ang tseke, ito raw ay "show money" lamang sa isang mag-aalahas at hindi upang papalitan o ideposito dahil wala itong pondo. Isang libo lamang daw ang pera sa EB samantalang sarado na ang BPI account niya kaya simula pa lamang ay alam na niyang tatalbog ang mga ito. Wala rin naman daw abiso si Myrna sa kanya. Gayunpaman, nahatulan pa rin ng Korte si Lani ng paglabag ng BP 22 (three counts) na may isang taong pagkakakulong kada tseke. Inatasan din siyang bayaran si Myrna ng halaga ng mga tseke.

Tama ba ang hatol ng Korte?

TAMA.
Pinarurusahan ng BP 22 ang pag-iisyu ng tsekeng walang pondo. Hindi mahalaga kung ano ang layunin ni Lani nang inisyu niya ang mga tseke dahil ang kawalan ng halaga ng mga ito ang isinasaalang-alang para sa paglabag sa BP 22. Ang kawalan ng abiso ni Myrna kay Lani ay hindi mahalaga dahil sa ginawang pag-amin ni Lani na walang pondo ang mga tseke nang ito ay kanyang inisyu. Wala ring naging dahilan si Myrna upang pagdudahan si Lani dahil sa garantiyang ibinigay ni Josie sa kanya kaya natural lamang na kay Josie niya ipinaalam ang pagtalbog ng tseke. Bukod rito ay hindi rin sinabi ni Josie kung saan nakatira si Lani. Kaya, tama ang naging hatol ng Korte dahil kumpleto ang lahat na elemento sa paglabag sa BP 22 (Yulo vs. People, G.R. 142762, March 4, 2005, 452 SCRA 705).

Show comments