Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa binhing tumutubo at sa butil ng mustasa basta maitanim ay kusang tutubo at lalaki na pinaghambingan ng paghahari ng Diyos (Mc. 4:26-34).
Sinabi ni Jesus, "Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: Usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin."
"Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?" tanong pa ni Jesus. "Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, itoy nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito."
Ang aral ay: Kung buo ang ating tiwala na ang Diyos ay kasama natin sa lahat ng ating mga gawain, at paghahari niya ang nais nating mangyari sa mga ginagawa natin sa araw-araw, tiyak na magkakabunga ang ating mga pagpapagod at pagsusumikap. Kung hindi man kaagad, ay sa darating na takdang panahon, ayon sa kanyang kalooban.