Kilos pagong na exercise ng Manila’s Finest

NAGSAGAWA ng pagsasanay ang mga kapulisan ng Manila Police District na tinaguriang Camp Defense Plan Exercise bilang paghahanda sa banta ng New People’s Army (NPA) at sa banta ng mga sundalong nagrerebelde laban sa pamahalaang Arroyo.

Dakong alas-12 ng hatinggabi ng Huwebes biglang tumunog ang malakas na serena at kasabay niyon ay biglang nagpulasang palabas ng MPD Headquarters ang mga kapulisan bitbit ang mga matataas na kalibre ng mga baril. Agad na pinalibutan ang himpilan ng mga pulis na nagsidapaan sa mga gilid-gilid ang iba’y nakakubli sa pader na nakaumang ang mga armalite,

Nabigla kami sa loob ng MPD Press Office ng mga oras na iyon nang biglang makitang nagtatakbuhan ang mga pulis bitbit ang mga baril. Akala namin ay sinalakay na ang aming tanggapan ng sandaling iyon, at bilang tugon sa aming tungkulin agad kaming naglabasan bitbit ang camera at pinagkukunan ang mga eksena. Hindi namin ininda ang takot ng mga sandaling dahil ang nasa isip namin ay mailarawan sa mamamayan ang buong pangyayari.

At dahil sa eksenang iyon ang lahat ng mga taong naglalakad sa kalsada ay nagkandarapa sa pagtakbo upang makalayo sa naturang lugar.Maging ang kumakain at nag-iinuman sa mga karenderya sa harapan lamang ng MPD ay nataranta sa pagtago. Natanaw ko na ang ilan sa mga tao ay nagkandarapa sa pagtago sa mga poste at nagtago sa ilalim ng mga lamesa dahil sa kabiglaan.

Hinarangan ng mobile car ang panulukan ng United Nation at Taft Avenue na pawang naka-armalite ang mga pulis na naka-cover sa kanilang mga sasakyan. Gayon din ang mga lansangan ng San Marcelino at Romualdez Road na nag-uugnay papasok at palabas sa naturang himpilan.

Sa loob naman ng bakuran ng MPD Headquarters ay may isang Armored Personel Carrier (APC) na puno ng mga Philippine National Police Special Action Forces (PNPSAF) na urong-sulong sa main gate na naka-umang ang machine gun at maging ang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) gamit ang isang fire truck ay nakahanda na rin ang kanilang mga hose.

Sino pa nga ba ang hindi maniniwalang may kudeta na sa ating bansa kung kabilang ka sa nakasaksi sa naturang eksena. He-he-he! Aber nga mga suki!. Marahil kung kabilang ka sa mga taong nagtakbuhan upang magtago sa mga kubling lugar natitiyak kong hindi ka makakatulog magdamag dahil sa takot.

Ngunit mga suki sa kalaunan ay aming napag-alamang bahagi lamang pala ng pagsasanay bilang paghahanda sa banta ng kudeta at pananalakay ng mga rebeldeng NPA na nagnanais na pabagsakin ang pamahalaan. Hindi naman lihim sa inyong kaalaman na maraming insidente na ng pananalakay ng mga rebelde sa mga kanayunan. Kung kaya todo-todo ang kanilang ipinamalas na pagsasanay.

Makalipas ang may kalahating oras na aksyon ay tinawag sila at tinipon sa harapan ng MPD headquarters at agad na pinagalitan ni District Deputy Director for Operation P/SSupt. Danilo Abarzosa dahil sa kanilang ipinakitang kilos pagong. He-he-he! Hindi kasi nagustuhan ni Abarzosa ang ipinakitang gilas ng karamihang pulis ng Manila’s Finest.

Kasi nga mga suki! Ang nais ni Abarzosa ay makatotohanan ang kanilang ipakita sa naturang pagsasanay. At lalong nagalit si Sir nang makita ang dalawang truck ng Meralco na nag-aayos pa ng kanilang sasakyan sa gitna ng kalsada na tila walang pakialam sa pangyayari. Kabilang sa kanilang pagsasanay ay ang pagdeklara ng no man’s land upang kanilang madaling makita ang mga kalaban. May ilang pulis din ang nahuli sa loob ng kanilang mga opisina na nanonood pa ng telebisyon at naghuhuntahan. He-he-he! Paano na lang kaya kung totoong mga rebelde ang sumalakay ng oras na iyon.

At dahil sa kapalpakan ng naturang pagsasanay, muling iniutos ni Abarzosa na ulitin ang naturang eksena at nagbantang paparusahan ang sino mang magpapatumpik-tumpik. Muling tumunog ang serena bilang hudyat ng pagsasanay. Naging mabilis na ang ikinilos ng mga pulis.

Sa loob lamang ng 10 segundo ay napalibutan na ng mga pulis ang buong himpilan, naharang lahat ng mga kalsada papasok at palabas kung kaya sa kabiglaan ng mga motorista ay napadapa ang ilan sa kanila at ang iba nama’y naglabasan sa kanilang sasakyan upang mag-usyoso.

Naging matagumpay na ang mga sumunod na pagsasanay. Ika nga’y naperfect na nila ang pagsasanay na ikinasiya ng mga opisyales kaya taas noo na nilang ipagmamalaki na handa na sila sa ano mang banta ng mga kalaban at pangalagaan ang kanilang himpilan.

Show comments