Mayor Pedro Cuerpo ng Montalban Rizal, strike two na sa Bahala si Tulfo at Bitag

ONE is enough, two is too much… pero para BITAG, tambak-tambak ng kapalpakan sa pamahalaan ang inaabot ni Mayor Cuerpo ng Montalban, Rizal.

Unang naging sikat si Mayor nang pasukin ng BITAG ang kanyang teritoryo dahil sa illegal na katayan ng aso na ayon sa aming imbestigasyon ay may pahintulot niya mismo.

Ni hindi man lang namin nakita kahit anino ng kolokoy na meyor na ito upang linisin ang kanyang pangalan sa pagkakasangkot sa illegal na katayan.

Matatandaan sa ipinalabas namin sa BITAG noong nakaraang taon na kung sinu-sinong barabas ang iniharap sa amin ng munisipyo ng Montalban mapagtakpan lamang ang kabuktutang kinasasangkutan ng kanilang alkalde.

Ngunit, hindi pa dito natatapos ang kasikatan ni Mayor Cuerpo dahil sa ikalawang pagkakataon ay muling dinala ng Bahala si Tulfo at BITAG ang kontrobersyal na Mayor sa center stage ng kahihiyan!

Matatandaang ipinalabas namin sa BITAG noong Sabado ang inirereklamong sapilitang paniningil ng P20.00 ng kanyang mga tauhan sa mga fx drivers ng Montalban.

Dito, napag-alaman namin na pangongotong este pangongolekta ng beinte pesos ay may basbas ULIT ng poging-poging Mayor na si Cuerpo.

Muli, sa pagkakataong ito, hindi na naman humarap sa amin ang nasabing alkalde. Ang naglakas loob pang humarap ay ang mga tauhan nitong sangkot din sa reklamo.

Halos magkapilipit-pilipit na ang dila ng mga bastardo sa kapapaliwanag upang palabasing legal ang paniningil na kanilang ginagawa. Kalaunan, walk out na lang ang naging katulong ng mga ito, makaligtas lamang sa matalim naming pag-iimbestiga.

Kahit na sino pang hestas at barabas ang ibala mo sa amin Mayor Cuerpo ng Montalban, Rizal, hindi kami mangingiming soplangin ang kanilang mga paliwanag dahil ikaw ang utak ng mga katiwaliang ito kaya’t ikaw ang nararapat na humarap sa amin.

Pagbutihin mo pa meyor dahil tutulungan ka ng BAHALA si TULFO at BITAG na bumango sa mamamayan ng iyong nasasakupan.

Nakakasa na ang patibong ng BAHALA SI TULFO at BITAG para sa ikatlo at ika- apat na kalokohang kasasangkutan mo.

Hotline numbers, i-text (0918) 9346417/ (0927) 8280973 o tumawag sa mga numerong 932-8919/932-5310. Makinig sa DZME 1530 Khz, Monday-Friday, 9:00-10:00 a.m at panoorin ang programang ‘‘BAHALA SI TULFO’’ Monday-Friday, 9:00-10:30 a.m. sa UNTV 37.

Show comments