Pagtawag sa 4 na mangingisda

BAGAMAT noong sa nakaraan kong kolum noong Miyerkoles ang Ebanghelyo ay ang hinggil sa pagpili sa 12 apostoles, ang Ebanghelyo ngayong araw na ito ay tungkol naman sa kung paanong tinawag ni Jesus ang unang apat sa kanyang mga apostoles (Mark 1:14-20).

Pagkatapos dakpin si Juan, si Jesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balita mula sa Diyos. "Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito."


"Samantalang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simeon at Andres na naghahagis ng lambat. "Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao." Pagdaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.

Nagpatuloy siya ng paglakad, at sa di kalayuan ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa kanilang bangka at nagkakahuma ng mga lambat. Tinawag din sila ni Jesus at sumunod naman sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama, kasama ng mga taong upahan.

Kapwa ang magkapatid na sina Simeon (na tataguriang Pedro) at Andres, Santiago at Juan ay tumalima kay Jesus nang sila’y tawagin niya. Iniwan nila ang kanilang ginagawa, ang kanilang kaanak (sa ganang kina Santiago at Juan, iniwan ang kanilang ama) upang sumunod kay Jesus. At ganito rin ang hihingin ni Jesus sa bawat isang sumusunod sa kanya -— ang pag-iwan ng anumang mayroon tayo -— upang tunay na makatugon sa kanyang panawagan. Handa ba tayo?

Show comments