Agrabyado ang mga Pinoy sa VFA at lalo pang maaagrabyado kung magpapatuloy. Ang Japan at South Korea ay may katulad ding kasunduan sa US subalit malaki ang pagkakaiba. Ang Japan ay may karapatang isailalim sa kanilang custody ang Amerikanong nakaharap sa criminal charges. Ganyan din sa South Korea kung saan nakapaloob sa kasunduan nila ng US na maaaring ipagkaloob ang custody ng mga gagawa ng kasalanan. Napatunayan ito sa Japan kung saan isang Amerikanong sundalo na pumatay sa isang Haponesa ang ipinagkaloob ng US. Wala nang tanung-tanong pa. Bakit hindi sa Pilipinas? Butas nga ang VFA rito. Laging pabor sa magkakasala at hindi sa biktima.
Wasakin na ang VFA na iyan para wala nang magkakanlong sa mga "halimaw" na sisipsip sa puri ng mga Pinay. Sabi ng gobyerno huwag mainip sa kahihinatnan ng imbestigasyon sa ginahasang Pinay. Hanggang kailan maghihintay? Nawasak na nga ang puri ay tila balewala pa sa gobyerno. Walang makitang pagmamalasakit sa tinampalasang Pinay.
Nasa kamay ng mga mambabatas ang kapa- laran ng VFA. Huwag nang ipagpatuloy pa ang pamamayagpag ng VFA na ito para maiwasan ang mga pagdagsa pa ng mga problema. I-terminate na gaya ng panukala ng ilang senador. Hindi na dapat mag-urung-sulong sa pagpatay sa halimaw na VFA.