Ngayong darating na Pebrero ay mas lalong mabigat na pasanin ang nakaamba sa balikat na nagsusugat ng taumbayan. Paanoy 12 percent ang idadagdag sa EVAT. At sa dagdag na ito tiyak na marami na naman ang aaray. Kung sa 10 percent ay maraming nasaktan, paano pa sa 12 percent.
Sa pagpapataw ng 12 percent tiyak na magtataas na naman ng presyo ang liquefied petroleum gas (LPG). Sa kasalukuyan, mahigit na P500 ang presyo ng 11 kgs. na tangke. Paano pa makabibili ng LPG ang mga karaniwang mamamayan na ang suweldo ay kulang pa sa pang-araw-araw na pangangailangan? Ang mga naghihigpit ng sinturon ay hindi na makahihinga kapag muling nagpataw ng 12 percent EVAT.
Sabi ng Department of Trade and Industry (DTI) noong nakaraang taon, imomonitor nila ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Hindi raw sila mangingiming parusahan ang mga negosyanteng magsasamantala sa mga kawawang mamamayan. Pero hindi nangyari ang pangakong iyan sapagkat nagpatuloy sa pagtaas ang mga bilihin at hindi ito nakikita ng DTI o ng Department of Finance. Pawang magagaling lamang silang magsalita pero kulang na kulang sa gawa.
Ngayong magdadagdag na naman ng 12 percent EVAT panibagong pangako ang sinabi ng DTI, imomonitor daw nila ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Gagawin daw nila ang lahat ng paraan para mamonitor ang presyo ng mga bilihin. Magiging epektibo raw ang kanilang gagawing pagmomonitor.
Mabutit inaamin ng DTI ang kawalan nila ng sigasig. Dapat lamang na pagbutihin ang pagmonitor sa mga bilihin at parusahan naman ang mga negosyanteng masiba.