Tulad ng estilong pangongotong ng Pamahalaang Bayan ng Montalban, Rizal sa mga pampasaherong FX at jeepney.
Ito ay matapos dumulog sa tanggapan ng BITAG ang ilang driver at operator ng FX na biyaheng Montalban. Buwan pa lamang daw ng Nobyembre ay pinahihirapan na sila ng sapilitang paniningil ng P20 bawat biyahe.
Ito ay sa kabila ng kawalan ng resolusyon mula sa Sangguniang Bayan ng Montalban sa naturang paniningil sa mga driver. Kayat lakas-loob ang paniningil ng Montalban Traffic Enforcement dahil may basbas daw sila ng opisina ni Mayor Pedro "Ping" Cuerpo kahit walang opisyal na resibo mula sa munisipyo at resolusyon mula sa Sangguniang Bayan.
Dahil patuloy pa rin ang lantarang pangongotong ng Montalban Traffic Enforcement Team, ikinasa ng BITAG ang isang operasyon kasama ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Rizal (CIDG-Rizal), upang tuldukan ang kanilang kasakiman.
Hulog sa BITAG ang ilang kawani ng munisipyo sa kanilang koleksiyon mula sa mga driver ng FX, nakuha pang makihati sa kakaunting kita ng mga driver.
Nakuha pang humarap ng isang Efren Chua na itinalaga raw ni Mayor Cuerpo na pangasiwaan ang koleksiyon sa mga driver, pero mukhang bumahag ang buntot ni Chua nang makaharap ang BITAG at nangaripas ng takbo. Pinabayaan ang kanyang mga tauhan na madiin sa mga reklamo ng mga driver.
Hindi estilo ng BITAG na basta na lamang pabayaan ang anumang inirereklamo sa aming tanggapan.
Nagawa man nilang lokohin ang iba upang pagtakpan ang kanilang kamalian, pero hindi ang BITAG.
Panoorin ngayong Sabado, alas-9 ng gabi sa BITAG ang kabuuan ng aming isinagawang operasyon kasama ang CIDG-Rizal upang tuldukan ang pangongotong sa Montalban.