Sa protesta halimbawa ni Loren Legarda sa pagkapanalo ni Noli de Castro nung 2004 bilang Vice President, magkasalungat ang mga pahayag. Sa pagrepaso sa mga balota sa 771 kahon sa Mandaue City at 692 kahon sa Lapulapu City, anang abogado ni Noli, walang nakita ni isang ebidensiya ng dayaan. Sagot naman ni Loren, 95% ng balota ay pinalitan. Labanan sila ng press release. Kagat naman agad ang media. Pero kung tutuusin, hindi press agents o media ang maghuhusga sa usapin, kundi ang Presidential Electoral Tribunal na binubuo ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Tungkol pa rin kay Noli, may dalawang bersiyon sa pagsibak ng ABS-CBN sa "Magandang Gabi, Bayan". Bulong ng TV staff niya sa Bayan Productions, ayaw daw kasi sumunod ng VP sa hiling ng Lopezes (may-ari ng network) na bumitaw na kay President Gloria Arroyo. Sagot naman ni Maria Ressa, batikang broadcaster mula CNN na ngayoy head ng ABS news and public affairs, bagsak kasi ang ratings ng MGB dahil hindi na sumisipot si Noli sa show. Si Noli naman, tahimik lang. Katulad ito sa pagkansela ng ABS din sa "Home Along Da Riles" ni Dolphy sa kainitan ng pagkampanya niya para kay FPJ. Kesyo kampi raw noon ang network kay GMA. Sagot ng ABS, laos na si Dolphy. Ang komedyante, no comment lang. Sa ganyang gusot, walang ahensiyang maghuhusga; konsensiya lang ng ABS o nina Noli at Dolphy ang makapagsasabi ng totoo.
Tungkulin ng media na ibalita ang totoo. Sa trabahong ito, natural na ilahad nila ang pahayag ng mga abogado, spokesman o main characters ng nagbabanggaang panig. Kung usaping legal, may korte o ahensiyang tagapaghusga. Minsan, naghuhusga rin ang media sa pamamagitan ng editoryal o kolum. Kadalasan, mamamayan na mismo ang naghuhusga, depende sa nasagap na balita at karanasan sa pag-analisa. Malimit nga lang, nahahaluan ng tsismis ang paghuhusga ng madla, kaya pumapalya.
Imposibleng malinang ang katotohanan sa milyun-milyong nagaganap sa paligid natin araw-araw. Kung may mga magulang na napapalusutan ng anak, e mga kaganapan pa kaya na hindi direkta sa buhay nila?