Nang minsang naisin ni Mac na pumunta sa Hong Kong noong December 12, 1987, kinuha niya sa SDB ang mga sobreng naglalaman ng US$15,000.00, Australian $10,000.00, credit cards at passport. Subalit sa HK na lamang niya nadiskubre na US$3,000 na lamang ang laman ng sobre mula sa laman nitong US$15,000. Ipinagwalang-bahala ito ni Mac. Subalit di kalaunan ay nawala na rin ang US$5,000 at ilang alahas niya.
Nang bumalik si Mac sa Pilipinas, muli siyang nag-checked in sa Tropicana Hotel. Inilagay niya sa kanyang SDB ang mga sobreng naglalaman ng US$15,000.00, AU$10,000 at ilang dokumento. Ngunit makalipas ang dalawang linggo nang muling buksan ni Mac ang SDB, natuklasan niyang nawawala na ang kanyang US$2,000 at AU$4,000. Kaya, agad niyang hinarap si Lito, manager ng Hotel at si Lita, ang may hawak ng master key, upang alamin ang totoong nangyari. Dito inamin nina Lito at Lita na ang kasintahan ni Mac na si Malou ang nagbukas ng nasabing SDB nang umagang yun kung saan nakuha nito ang susi habang si Mac ay natutulog. Inamin ito ni Malou subalit iginiit niyang tinulungan siya ni Lita na makuha ang pera at mga alahas. Pumirma naman daw siya ng promissory note upang maibalik ang mga kinuhang pera at alahas. Gayunpaman, gusto ni Mac na hotel ang managot sa nangyari. Tumanggi si Lito sa pananagutan dahil pumirma raw si Mac sa isang kasunduan kung saan tahasang pinalaya ni Mac ang hotel sa anumang pananagutan sa mawawalang deposito sa SDB o ang paggamit ng susi ng ibang tao. Tama ba ang hotel?
MALI. Taliwas ang kasunduang ito sa sinasabi ng Kodigo Sibil. Hindi dapat kilalanin ang kasunduang magpapalaya sa hotel keeper sa anumang pananagutan sa pagkawala ng mga bagay ng mga hotel guests. Ang mga bagay na dala ng guests ay dapat na ingatan ng hotel lalo na ang mga naka-deposito sa safety deposit box nito. May obligasyon ang hotel sa publiko di lamang sa proteksyon ng mga guest nito kundi pati na rin sa mga kagamitan nito. Ang kambal na proteksyong ito ang tunay na diwa ng negosyo ng mga hotel kaya hindi ito maaaring baguhin ng mga nakahandang kasunduang nakasulat na kung saan pipirma na lamang ang mga guest tulad ng nangyari kay Mac (YHT Realty et.al. vs. CA G.R. 126780, February 17, 2005 451 SCRA 638).