Banal na Pamilya

IPINAGDIRIWANG sa ating liturhiya ngayon ang Araw ng Banal na Pamilya: Sina Jose, Maria at Jesus. At ang Ikalawang Pagbasa sa liturhiya ay isang magandang paalaala para sa lahat ng pamilya hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi pati na rin sa buong mundo (Col. 3:12-21).

"Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Jesus, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Jesus ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espiritwal, na may pasasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.

"Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.

"Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, at huwag silang pagmalupitan.

"Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon."

"Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob."


Ang pagkakaisa at pagmamahalan ng mga pamilya ang batayan ng isang matatag at maka-Diyos na sambayanan.

Show comments