Anomalya sa tiket sa barko

SI Ed ay chief purser ng isang barko na pag-aari ng SLI. Tumatanggap si Ed ng P5,000 kada buwan. Tungkulin niyang hawakan ang pondo ng barko at ingatan ang mga tiket ng pasahero at bill of lading. Labing-anim na taon na si Ed sa serbisyo at minsan ay nakagawa na rin ng ilang paglabag sa kompanya.

Minsan, sorpresang ininspeksyon ng hepe ang barko, nadiskubre niyang gumagawa ng anomalya si Ed. Ilang tiket ng pasahero na hindi pa nabebenta ay may marka nang P88. Hinala ng hepe na ang kopya ng tiket na isinusumite ni Ed pati na ang bayad dito ay nasa mas mababang halaga. Bukod dito, nakakuha rin ang hepe ng maraming tiket na inisyu sa mga bata sa kalahating presyo na P44 sa araw na iyon.

Nagsagawa ng imbestigasyon laban kay Ed. Nabig-yan si Ed ng pagkakataong ilahad ang kanyang panig subalit tumanggi itong pirmahan ang kanyang salaysay. Kinabukasan, pinalitan na si Ed ng bagong chief purser.

Nagreklamo si Ed sa NLRC laban sa SLI ng illegal dismissal, non-payment of overtime pay, 13th month pay at ilang monetary benefits. Ayon kay Ed, ang pagkawala ng tiwala at kumpiyansa sa kanya ng kompanya ay walang basehan dahil tinanggal daw siya upang hindi siya mabigyan ng benepisyo base sa matagal niyang serbisyo. At ipalagay na siya nga ang naglagay ng marka sa mga tiket, wala naman daw pinsalang natamo ang SLI dahil wala siyang naibulsang pera at hindi rin naman naisyu ang mga tiket. Malupit daw ang parusang pagtatanggal sa kanya dahil hindi isinaalang-alang ng SLI ang 16 na taon niyang serbisyo kaya dapat ay suspensyon lamang ang ipataw sa kanya o kaya ay bayaran siya ng separation pay. Tama ba si Ed?

MALI.
Ang posisyon ni Ed ay maselan at kritikal na nangangailangan ng tiwala at kumpiyansa. Ang nangyaring anomalya ay pananagutan ni Ed dahil siya mismo ang tagapag-ingat ng mga ito. Ang 16 na taong serbisyo ni Ed ay dapat na gamitin laban sa kanya dahil sa halip na patunayan niya ang katapatan sa kompanya, sinira pa niya ito. Nagpabaya si Ed at masasabing wala rin siyang kakayahan upang maiwasan ang isang anomalya.

Hindi mahalaga kung hindi nawalan ng pera ang SLI dahil ang tiwalang sinira ni Ed ay mahirap nang maibalik pa. May karapatan ang mga employer na idismis ang empleyado kapag nawala na ang tiwala at kumpiyansa nila rito lalo na at ang posisyon ay tulad ng kay Ed, isang chief purser ng barko. Wala ring matatanggap na separation pay si Ed (Ectuban, Jr. vs. Sulpicio Lines, Inc. G.R. 148410, January 17, 2005).

Show comments