Habang namumutiktik ang bulsa ng mga mahuhusay na atleta, katatapos lang ng 3rd Asean Para Games kamakalawa. Nasa ika-anim na puwesto ang Pilipinas na nakahakot ng 22 gold, 41 silver at 37 bronze. Nanguna ang Thailand; Vietnam, second; Malaysia, third; Indonesia, fourth Myanmar, fifth; Singapore, seventh at Brunei, eight.
Nagpakita ng kakayahan ang mga atletang Pinoy na may kapansanan. Sa kabila ng kanilang kalagayan may polio, bulag, iisa ang paa nagbigay sila ng karangalan sa bansa. Kahit na pang-anim na puwesto, ipinakita nilang kayang-kaya rin nilang makipagsabayan sa mga katulad nilang atletang may kapansanan.
Pero sa kabila nang ipinakita nila, tila hindi naman sila nabibigyan ng suporta ng gobyerno. Ang kanilang nahakot na ginto ay tila hindi nakaakit sa mga sports officials ng bansang ito at nakapokus lamang sa mga atletang Pinoy sa nakalipas na 23rd Asean Games. Lasing pa yata ang mga sports officials sa kaligayahan kaya hindi napapansin ang kalagayan ng mga atletang may kapansanan.
Kailangan pa umanong magpalimos ng uniporme ang mga atletang may kapansanan. Hindi parehas ang gobyernong ito sa pagtrato sa mga atletang may kapansanan. Habang ibinubuhos nila ang maraming pera sa mga atleta noong nakaraang Asean games, namumulubi naman ang mga kaaawa-awang atletang may kapansanan na ang uniporme nga ay kailangan pang pagpalimusan.
Si President Arroyo mismo ang lumagda sa Republic Act 9064 o ang "Sports Benefits and incentives Act" noong 2001. Hindi ba maaaring maging permanente ang pagsuporta sa mga atletang may kapansanan, batay sa nakasaad sa batas? Nasaan naman ang konsensiya kung binibigyan nila nang lubusang pagkalinga ang mga atletang matitipuno, bakit hindi rin gawin sa mga may kapansanan na nakahahakot din naman ng ginto at nagbibigay ng karangalan sa bansa.