Sa pagdinig ng kaso, tumestigo laban kay Joma sina 1) PO1 Torres, pamangking pulis ni Aling Norma, ang humuli kay Joma; 2) Mang Isidro, asawa ni Aling Norma, na wala raw sa bahay nang mapatay ang kanyang mag-ina subalit hinala nito ay si Joma ang gumawa dahil ito ay nakakapasok talaga sa kanilang bahay at tiniyak na sa kanila nga ang radio at cassette player na nakuha mula kay Joma; 3) Alma, pamangkin ni Aling Norma, na nakakita kay Joma bandang 4:30 ng umaga, na nakaupo sa dulo ng jeepney na kanya ring sinakyan, may hawak daw itong manok, isang itim na bag at itim na radyo na kapareho ng radyo ng mga biktima, balisa at mukhang takot na takot. Kinumpirma ito ng drayber ng jeepney .
Subalit itinanggi lahat ito ni Joma. Iginiit niyang si PO1 Torres ang gumawa ng krimen dahil may galit daw ito kay Aling Norma sanhi ng pag-aagawan ng dalawa sa isang lote. Ayon kay Joma bago sila matulog ng mga biktima nang gabing iyun, nasaksihan daw niya kung paano pinalakol ni Torres ang mga ito. Sa takot, agad daw siyang tumakbo upang magtago sa tapayan. Nang hindi raw siya makita nina Torres at ng dalawa pang kasama nito, naibaling daw ng mga ito ang galit kay Dado kaya pinatay din ito nang walang awa. Nakatakbo na raw lamang siya papalayo nang mawala na sina Torres. Hindi raw siya nakapagsumbong sa pulisya dahil alam niyang pulis doon si Torres. Nang araw na hulihin daw siya sa pier nina Pat. Torres at ng isa pang pulis, apat na araw daw siyang pinahirapan ng mga ito at pinilit na magdawit ng isang tao. Bukod dito, si Dado raw ang naglagay ng radio at cassette player sa kanyang bag bago pa man nangyari ang krimen.
Gayunpaman, nahatulan pa rin si Joma ng robbery with homicide base sa mga naging testimonya nina Torres, Mang Isidro, Alma at ng drayber ng jeepney. Tama ba ang hatol kay Joma?
MALI. Ang presensya ni Joma sa lugar na pinagyarihan ng krimen at ang pagtataglay nito ng mga bagay na pagmamay-ari ng mga biktima ay hindi nangangahulugang siya nga ang gumawa ng krimen. Ang presensya ni Joma sa bahay ng biktima ay hindi kataka-taka dahil siya ay katulong ng mga ito. Tila totoo rin ang paglalagay ni Dado sa bag ni Joma dahil maaari naman itong ipahiram sa kanya.
Ang pagnanakaw ni Joma ay hindi napatunayan ng may katiyakan. Walang nakakita sa pagkuha niya ng mga bagay o nakapagsabi na plano nitong magnakaw at pumatay lamang ito para makapagnakaw. Samantala, ang pagtakbo ni Joma sanhi ng takot at ang hindi pagsusumbong nito sa pulis ay maaaring batayan na siya ay inosente. Ang mga ebidensya laban kay Joma ay mahina at haka-haka lamang, hindi sapat para siya ay mahatulan. Kaya, si Joma ay dapat mapawalang-sala (Pp. vs. Geron, G. R. 113788, October 17, 1997).