Si Garci at si Bolante

MARAMING payaso at madyikero sa bansang ito. Iba’t iba ang hitsura ng mga payaso. Ang mga madyikero ay mahuhusay na biglang nawawala at bigla ring lumilitaw.

Siguro’y sa mga madyikerong ito natuto si ex-Comelec commissioner Garcillano at dating Undersecretary of Agriculture Jocjoc Bolante. Sa isang kisapmata, nawalang parang bula ang dalawa. Sa anim na buwan ng paghahanap ay hindi nakita si Garci. Katulad ni Garci, nag-magic din si Bolante. Walang nakakita kung saan nagpunta si Bolante. Baka naman nag-deliver ng fertilizer.

Nakabalik na si Garci pero wala pa ring nakakaalam kung saang lupalop siya nagtago. Ibinalita ng misis ni Garci na lilitaw na ang kanyang asawa. Kasunod ay nagpa-interview na sa media ang naka-muslim costume na si Garci. Nagtataka lang ako na hindi siya hinuli ng mga pulis dahil may existing warrant of arrest para sa kanya.

Bumalik na rin si Bolante sa bansa. Regular na PAL flight ang sinakyan niya mula Los Angeles. Nakaalis at bumalik siya ng bansa nang parang walang anuman. Talagang magic, ano?

Sa palagay ko marami pang mga susunod na pangyayari ang mga masasaksihan natin. May pag-aaliwan na ang ating mga pulitiko. Makikita kung sinu-sino ang mga sasayaw sa himig ng Cha-cha at kung sino ang mga killjoy ng bayan. Kaya, tuluy-tuloy ang show. Pasok mga payaso at madyikero!

Show comments