Nandaya raw ang mga Pinoy kaya nangunguna sa Southeast Asian Games. Minamaniobra raw ang kumpetisyon kaya humahakot ng ginto ang Pilipinas. Nakagigimbal ang akusasyon ni Thaksin. Kinukuwestiyon daw ni Thaksin at hindi pa nakilalang opisyal ng Vietnam ang standing ng mga bansang kasapi sa SEA games. Hindi raw makapaniwala na nangunguna ang Pilipinas sa paghakot ng ginto. At ang matindi pang akusasyon, binibigyan daw ng favorable decision ng Pilipinas ang sariling mga atleta kaya humahakot ng ginto.
Hindi dapat palampasin ang sinabi ni Thaksin. Ang akusasyong ito ay isang pagyurak sa kakayahan ng mga Pinoy sa larangan ng palakasan. Hindi mandaraya ang mga Pinoy. Ang sinabing Thai premier ay maaaring magbunga ng masamang impresyon sa ibang bansa. Maaaring isipin ng ibang bansa na baka nandadaya nga ang Pilipinas dahil sa tinatamasang mga ginto.
Pero hindi gaanong siniseryoso ni President Arroyo ang sinabi Thaksin sa halip ipinag-utos niya ang imbestigasyon kung may nangyari ngang dayaan. Binigyan niya ng 24-oras ang mga namamahala sa Southeat Asian Games para imbestigahan ang alegasyon ng Thai Premier. Wala pang nagiging resulta sa imbestigasyon habang sinusulat ang editorial na ito.
Nag-sorry naman ang mga Thai sports officials sa Pilipinas sa sinabi ng kanilang pinunong si Thaksin. Hindi raw tama ang report na nalathala sa Thai newspapers na nag-comment ang kanilang prime minister sa hindi parehas na judge sa isinasagawang Southeast Asian Games kaya nakakakopo ng ginto ang Pilipinas.
Anong klaseng kaibigan si Thaksin? Taksil! Dapat siyang ideklarang persona-non-grata ng Pilipinas.