Ang pagwawalambahala sa inaakalang maliliit na bagay, kapag nakagawian, ay maaaring lumubha. Halimbawa na ang pagkakaingin. Sa haba ng panahon na itoy naging kaugalian, napakalaki na ng nawala sa ating likas yaman. Tinangay na ng hangin at ng tubig ang mayamang lupa na datiy bumabalot sa mga kabundukan.
Kabilang na ang mga kainginero sa mga sumira sa ating mga kagubatan. Pinutol nila ang mga puno, sinunog ang mga halamang masukal, upang panandaliang matamnan ang nailantad na lupa. Ngunit hindi magtatagal mauubusan ng sustansiya ang lupa. Pag nagkagayon, lilisanin na ng kainginero ang lugar at muli na naman siyang magpuputol ng puno at maglilinis ng kasukalan.
Malaking pinsala na ang ibinubunga ng ganitong gawi. Ang mga bundok na nakalbo ay hindi agad naibabalik sa dating sigla.
Sa Kamaynilaan naman, ang bawat metro kwadrado ng halamanan ay mahalaga, ito man ay natamnan ng puno, gulay o damo man lamang. Ang mga halaman ay tumutulong sa paglinis ng ating hangin, at sa pagpapababa ng init ng panahon. Dagdag pa dito, nagdudulot ng kagandahan ang halamanan, at nagbibigay ng kabuhayan sa mga nagtatanim at nanganga-lakal ng mga gulay, bulaklak, halamang-gamot at iba pang mga pananim, kabilang na ang damo.
Samakatuwid, may katwiran si Pangulong Arroyo na ikagalit ang pagkatuyot ng damo. Tapos na ang pangyayaring iyon. Ngunit higit pa sa pagpapaumanhin, ang dapat gawin ay ang pagdilig at muling pagbuhay sa damuhang iyon.
Sa mga nag-aakalang walang kwenta ang damo, maaari nating itanong: Gugustuhin niyo ba na ang Luneta ay matalupan ng damo, at mabalutan ng semento at alikabok at putik na lamang?