Paano naimbento ang ilang salita

NU’NG bago mag-Giyera, kapag naka-bra ang babae, pinagbubulungan na at binabansagang "landi". May French perfume din noon, tatak Eclat (silent "t", as in "ekley"). Kaya ang malandi noo’y tinutuksong "eklat" (noun), as in "ang dami mo namang eklat." Naging adjective ito, as in "maeklat ka", at verb as in "paeklat ka na naman". Tapos, pinaikli bilang "ek-ek" as in "tama na ‘yang ek-ek mo, sasama ka ba o hindi?"

Nu’ng dekada-60 kokonti lang ang may TV. Ang libanga’y komiks. Sa mga wakasan o tuluyan, ang tawag sa babaeng nagbebenta ng aliw ay "baylerina". Kinalaunan, naging "belyas". Ngayon naging Inggles na: "hospitality girl" o "GRO (guest relation officer)".

Kapag buhay ang isang wika, nagbabago ito. May mga salitang iniiba, may nag-iiba rin ang kahulugan. Ang Latin patay na; ginagamit na lang ito sa makalumang Misa o pagsasaliksik sa sinaunang panahon. Wala nang dagdag na salita. Ang Filipino, patuloy ang pag-unlad. Ewan ko kung bakit ang "walanghiya" ay naging "walastik", tapos "walandyo". Pero ngayon, simpleng "wow" na lang ito.

Ang "timba" maaring noun (as in balde) o kaya verb (as in "bumalde ka ng tubig"). Minsan nu’ng bata pa ako’t nagbabakasyon sa baryo, naubos ang tubig sa pamingganan, inutusan akong umigib sa poso. Dala-dala ang timba, inabot ko roon ang isang lalaking tila nakabantay. Kaya, nagpaalam ako sa pagsabing, "Mama, titimba ho." Pinandilatan ba naman ako!

High school ako nang mauso ang batiang "give me five" imbis na "kamayan mo ko." Tuwang-tuwa ang mga magulang noon kapag matuto ang paslit mag-give me five. Tapos, sa NBA napanood ng mga Pinoy ang high five, as in "gimme five up here." Aba’y akalain mong maging "appear" ang naging sigaw.

Hindi pa natapos du’n. Tuwang-tuwa naman ngayon ang magulang kapag natuto ang paslit mag-appear. Tapos, naging hit ang pelikulang E.T. ni Spielberg. Ginagaya ang hintuturo ng extraterrestrial, naging "align" ang sigaw. Lalong tuwang-tuwa ang magulang sa paslit na nag-a-align.

Show comments