Mukhang nagmamadali sina Arthur at Arlene para mabawi nila ang ginastos nila. Kapag nagkataon kasi, hanggang sa fiesta ng Parang sa Feb. 7 pa namalagi ang peryahan ng mag-ama sa Parang at walang ibang maghihirap kundi ang mga alipores ni Mayor Marides Fernando. Tiyak malaki ang hatag ng mag-ama kay Mayor Fernando para lang pumayag mabuksan na muli ang illegal nila. He-he-he! Kaon na naman tiyak sina Sr. Supt. Manny Gaerlan, ang hepe ng pulisya ng Marikina City at Sr. Supt. Melvin Buenafe, ang intelligence chief ng EPD.
Pero tiyak hindi rin naman magtatagal ang pamamayagpag ng peryahan nina Arthur at Arlene. Kasi nga nasaksihan ko mismo mga suki ang ginawang pagbaklas ni Supt. Romulo Sapitula, ang hepe ng Station 3 ng MPD ng peryahan ni Jeremy sa kanto ng Quezon Blvd. at Soler St., sa Quiapo, Manila noong Miyerkules din. Ang peryahan ni Jeremy ay na-raid na rin ng DPIU at RISOO subalit nagpumilit pa itong magbukas kayat binuwag ni Sapitula dahil sa tawag sa DILG hotline 117. Kaya sa ngayon, si Jeremy ay lulugo-lugo dahil tiyak malaki ang nawala sa kapital niya. Ayon kay Sapitula, naipit siya sa sitwasyon dahil marami sa kasamahan natin sa hanapbuhay ang tumatawag sa kanya para huwag isara ang peryahan ni Jeremy. Hindi lang si Jeremy ang may kontak sa media kundi maging sina Arthur at Arlene din. Kasi nga mga suki, maging tayo ay pinutakti ng tawag para pabuksan rin itong peryahan sa Parang. Kahit binalewala ni Jeremy ang kumpas ni Querol, hindi siya nakaligtas kay DILG Sec. Angelo Reyes. Nagyayabang pa si Jeremy na walang media-media sa kanya kayat subukan natin kung hanggang saan siya dadalhin ng pera niya sa susunod na mga araw mga suki.
At kayo naman diyan sa Malabon, huwag kayong mawalan ng pag-asa na ang video karera ni Oye Santos na dummy ng kapatid ni Mayor Tito Oreta na si Len Oreta ay hindi mabubuwag. Kasi nga, may mga lider pa tayo sa gobyerno na ang inuuna ay ang manungkulan sa bayan at hindi ang kanilang bulsa. Siyempre, ang tinutukoy ko ay si Sec. Reyes na ang paboritong tamaan ang kanyang kidlat ay ang mga tinatawag nating "untouchables. Kaya tinatawagan natin si Sec. Reyes na palakulin niya ang mga video karera nina Oye Santos at Len Oreta sa harap mismo ng taga-Malabon para maniwala silang hindi lahat ng kapulisan natin, pati ahensiya ng gobyerno ay nababayaran. Pati sina Oye Santos at Len Oreta ay marami ring galamay sa hanay namin sa nakikiusap na tantanan na natin ang banat sa kanila. Nagsimula pa lang tayo. Hindi natin bibiguin ang taga-Malabon na binobola lang ni Mayor Tito Oreta. Abangan!