Sa kapipilit ay nakumbinsi ng ina ni PO3 Ramel si Jojo na samahan sila kung nasaan man ito. Ika-14 ng Mayo 2004 ng umaga nang magpunta sina Jojo at Arvin sa lugar na kinaroroonan ni PO3 Ramel sa #1002 De Leon Compound, San Antonio Valley 2, Sucat Road, Parañaque. Dito nila nalaman na may bangkay na natagpuan sa bakanteng palengke noong ika-5 ng Mayo bandang 4:45 ng hapon.
"Nangangamoy at inuuod na kaya nalamang may bangkay sa loob ng kisame. Tinawagan ako ni Jojo at sinabi sa akin ang tungkol sa bangkay na natagpuan doon. Sinabihan niya ako na pumunta raw ako sa Mesina Funeral Homes sa Las Piñas para siguruhin kung asawa ko nga ang bangkay na natagpuan doon," sabi ni Lorna.
Agad namang pinuntahan ni Lorna ang nasabing morgue upang tiyakin kung asawa nga niya ang bangkay na naroroon. Lumung-lumo si Lorna at ang kanyang biyenang si Lita matapos makita ang bangkay. Halos hindi na makilala ito dahil lapnos na ang mukha at tanging palatandaan na lamang ay ang tattoo sa braso nito.
"Hindi ko masiguro kung nasaan ang kanyang tattoo kaya kinailangan ko pang tingnan ang pictures niya sa bahay para malaman ko kung kaliwa o nasa kanan ba ito. Bugbog-sarado ang inabot ng asawa ko at binuhusan ng asido ang mukha nito para hindi na siya makilala. Kinabukasan bumalik kami para kuhanin na ang bangkay niya," salaysay ni Lorna.
Ika-18 ng Mayo 2004, pinatawag si Lorna sa Parañaque Police Station upang kuhanan ng pahayag. Nagsimula nang imbestigahan ang brutal na pagkamatay ni PO3 Ramel. Si PO1 Jose Ramil Milañez ang humawak ng kaso.
Ayon pa kay Lorna, hindi ibinigay ni PO1 Milañez ang bangkay ng kanyang asawa sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) kay Insp. Elizalde Odi. Sinabi umano ni PO1 Milañez na siya na ang bahala sa bangkay ng biktima.
"Hindi naman niya ginawa ang tungkulin niya hanggang sa nawala na ang mga ebidensiya. Nangalap ako ng impormasyon sa pinangyarihan ng krimen. Lahat ng puwedeng kong kausapin ay ginawa ko pero nahirapan akong kumbinsihin sila na tulungan ako," sabi ni Lorna.
Nabigo si Lorna sa kanyang hangaring kumbisihin ang mga posibleng taong makakatulong sa kanya para malutas ang kaso ni PO3 Ramel. Isang caretaker ng De Leon Compound ang nilapitan ni Lorna subalit ayaw rin umano nitong magsalita at sinasabing walang siyang napapansin noong gabi nang maganap ang insidente.
"Napilit ko rin siyang makapagbigay ng impormasyon at sinabi niya sa akin na may alagang aso raw ang pumatay sa asawa ko. Sa kakaikot ko sa lugar na yon natunton ko ang bahay ni Edgardo Marquez, isa sa mga suspek at kilalang drug pusher," sabi ni Lorna.
Ika-3 ng Agosto 2004, nagpunta sina Lorna kasama ang tiyahin, si Rhoda Cuisia sa bahay nina Edgardo subalit wala naman ito sa kanilang bahay hanggang sa may nakapagsabi na nasa Valley 2 sa bahay ng isang kaibigan kaya naman pinuntahan na rin nila ito.
"Kinausap po siya ng tiyahin ko kung may alam nga siya tungkol sa pagkamatay ni Nel dahil alam nga namin na nagpunta sa kanya si Nel. Ayaw pa rin niyang magsalita dahil ang sabi niya kilalang tao sa Parañaque ang mga taong involved sa pagkamatay ng asawa ko," kuwento ni Lorna.
Upang lalong makumbinsi na magsalita si Edgardo sinabihan ng tiyahin nito na huwag mag-alala dahil dalawang general ang lolo ni PO3 Ramel. Dahil dito, pinapasok na sila ni Edgardo sa kanyang bahay at doon ay may ipinakita umano itong papel. Nakasulat umano dito ang mga taong may kinalaman sa pagkamatay ni PO3 Ramel.
Ang mga ito ay sina Danny Lacnerta, nagtitinda sa Delos Santos Market at kasama ni PO3 Ramel bago namatay, Rizal Cuenca, nagsilbing look out at Manuel Barreto alyas Buboy, caretaker sa kinagtagpuan ng bangkay ng biktima.
Isang testigo rin ang nagbigay ng kanyang pahayag patungkol sa pagkamatay ni PO3 Ramel, Enrico Jacaban. Sinabi niya sa kanyang salaysay na nakita rin niyang kasama ng biktima noong ika-2 ng Mayo bandang alas-5:30 ng hapon sina Jojo, isang alyas Jerry Bigote at isang Dela cruz na umanoy AWOL sa PNP.
"Sinabi daw ni Nel kay Enrico na papunta sila sa bahay nina Edgardo at may kakausapin lang daw. Narinig din daw niya na parang pinagtatalunan ng mga ito ang tungkol sa onsehan. Pagkatapos daw noon ay hindi na niya nakita ang asawa ko," salaysay ni Lorna.
Ayon pa sa salaysay ni Enrico, nakita daw niya sina Edgardo, Jojo at Jerry Bigote sa loob ng isang palengke sa Provision Commercial Center at napansin nitong may nakabalot sa isang itim na plastic. Parang tao umano ang nasa loob ng plastic bag na nakatambak sa sahig. Nagalit si Edgardo nang makita niya si Enrico kaya agad nitong tinanong kung ano ang nakita niya. Sinagot naman nitong wala siyang nakita.
Ika-20 ng Enero 2005 nang mahuli si Edgardo Marquez sa isang buy-bust operation. At sa pag-iimbestiga nito sinabi niya ang kanyang nalalaman sa pagkamatay ni PO3 Ramel.
"Nakita daw niya mismo ang ginawang pagpatay sa asawa ko. Si Rizal Cuenca at Manuel Barreto, ang look out at nagtago sa bangkay. Si Jojo ang pumalo sa likod ng ulo gamit ang dumbbell at isang tinatawag na Totoy Taba na kasama nina SPO1 Santiago at SPO3 Cuaresma," sabi ni Lorna.
Sangkot din sina SPO1 Dick Santiago ang nagpahirap at nag-utos umano na tapusin na si PO3 Ramel. Dinagdag pa ni Edgardo na isang Col. Castro ang may pakana sa pagpatay dahil sa onsehan sa droga ang naging motibo sa pagkamatay ng biktima.
Sinampahan ng kasong Murder ang mga suspek at Obstruction of Justice laban kay PO1 Jose Ramil Milañez dahil sa pagsunog nito sa mga ebidensiya.
"Ang katwiran niya ay mabaho na ang mga ito kaya sinunog na lang niya. Sa ngayon, resolution ang hinihintay ko. Hangad kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng asawa ko," pagwawakas ni Lorna.
Para sa may mga problema sa lupa maaari kayong magsadya sa aming tanggapan tuwing araw ng Huwebes. Mayroong representative mula sa Land Registration Authority na magbibigay ng advice sa inyo.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.