Clear na siguro ang lansangan kaya bago pa dumating si Mikey, bumalik na rin sa bansa ang ama niyang si First Gentleman Mike. Kaya na sigurong harapin ni GMA ang mga kalaban at lahat ng mga ipinaparatang sa kanya at kanyang pamilya.
Palagay ko ay ganito rin ang interpretasyon ng iba sa pagbabalikan ng mga Arroyo sa Pilipinas. Hindi rin naitago ang pagtatagpo ng mga Arroyos sa Hong Kong matapos na manggaling si GMA sa APEC conference sa South Korea. Siguro ngay lumamig na ang pagbanat sa mga Arroyo ng mga kalaban.
Madaling makalimot ang mga Pinoy. Biglang silakbo ng galit pero bigla ring huhupa. Presto! Nawala nang parang magic ang galit. Nakalimutan na ang lahat.
Wala nang mangyayari ngayon sa mga ginastos ng gobyerno sa mga imbestigasyon "in aid of legislation" kuno ng Senado at Kongreso tungkol sa jueteng at iba pang graft charges laban sa mga Arroyos. Siyempre, wala na ring mangyayari sa ginawang imbestigasyon tungkol sa "Garci tapes" at dayaan sa eleksyon.
Wala nang patutunguhan ang mga paratang na ginamit ng kanyang administrasyon ang pera ng gobyerno para sa kampanya ni GMA noong 2004 election. Magiging kalokohan lamang ang peoples court at ang mga rallys at demonstrations. Sa pagbabalik ng mga miyembro ng pamilya ni GMA, tapos na ang labanan. Masasabing kampante na si GMA sa Malacañang dahil hindi na hiwa-hiwalay ang kanilang pamilya.