Ehemplo lang yan ng nakadidismayang asal-politiko. Marami pang iba. Nariyang napabalitang natutuwa ang international ratings agencies sa pagpataw ng mas malawak na E-VAT. Dagdag-kita raw ito na P80 bilyon kada taon sa gobyerno, kaya makakaluwag sa pambayad-utang. Pero ano ang tugon ng mga mambabatas? Abay ibalik na raw sa P70 milyon ang pork barrel ng bawat kongresista na naging P40 milyon nung fiscal crisis, at P200 milyon kada senador mula P130 milyon. Kumbaga, kasisimula pa lang mangolekta ng dagdag-VAT nung Nob. 1, pinaparte na ng Kongreso. Kunwariy para sa mga naantalang proyekto nila, pero pambulsa lang.
At pinaka-kasuka-suka ang pagbalik ng logging concession sa Samar kay Sen. Juan Ponce Enrile. Legal daw ito, ani DENR Sec. Mike Defensor, pero kinaligtaan niyang sumangguni sa mga maaapektuhang komunidad, na takda ng batas. At nang umangal nga ang mga taga-Samar, naghugas-kamay si Defensor at sinabing mga local executives naman ang mag-i-isyu ng permit para magtroso si Enrile. Kinalimutan niya ang pinaka-mahalaga sa lahat: Ang Konstitusyon. Sa Article VI, Section 14, bawal ang sinumang senador o kongresista na tuwiran o patagong makipag-kontrata sa gobyerno para sa prankisa o espesyal na pribilehiyo (tulad ng logging concession). At bawal ding makilahok ang sinumang mambabatas sa usaping pinansiyal na maaari niyang pagkakitaan (tulad ng pagsulat ni Enrile kay Defensor para ibalik ang logging concession). Kaya ilegal sila pareho.