OK Querol!

ISANG kumpas lang ni NCRPO chief Dir. Vidal Querol at nagsara na ang peryahan ng mag-amang Arthur at Arlene sa malapit sa barangay Hall at presinto ng pulisya sa Barangay Parang sa Marikina City. Kaya ang mga residente doon ay tuwang-tuwa dahil hindi na maingay ang kanilang kapaligiran at ang pera nila ay sa pagkain na napupunta imbes na pasugalan sa peryahan tulad ng color at number games. Kaya hilong-talilong sa ngayon ang mag-amang sina Arthur at Arlene, pati na rin ang booker nila na si Henio dahil sarado na ang illegal na negosyo nila. Siyempre, nakadagdag sa lungkot nila ang katotohanang hindi na nila mababawi ang advance na intelihensiya nila sa barangay officials at pulisya nga. He-he-he! Ampaw pala ang mga kontak nina Arthur, Arlene at Henio di ba mga suki? Hindi sila maasahan sa panahon ng kagipitan.

Kung may sa delubyo ang kumpas ng kamay ni Querol, subukan natin ang lupit nito sa mini casino diyan sa ‘‘Sin City’’ ni Mayor Peewee Trinidad sa Pasay. Ayon sa report na nakarating sa akin, isang anak ng halal na konsehal ng 1st District diyan sa kaharian ni Trinidad ay nag-rent ng isang unit sa Monica condominium na matatagpuan sa kanto ng Harisson St. at Buendia Ave. na sa tabi naman ng Ginga Music lounge. Ang condo unit ay dating campaign headquarters naman ng isang talunan na konsehal. At panay mga UP students ang makikita doon at hindi para mag-aral kundi para maglaro ng poker. He-he-he! Alam kaya ng kanilang mga magulang ang pinaggagawa ng mga UP students?

Makikita kasi na halos 20 hanggang 30 kotse ang nakaparada sa parking lot ng condo kapag may poker session. Kung minsan ay may tatlong lamesa ang laro ng poker na cash o pitsa ang pinaglalabanan. Kadalasan aabot sa pito katao ang naglalaro sa isang mesa. Malakasan ang poker sa naturang mini casino kaya’t tiyak tiba- tiba ang anak ng konsehal dito, di ba mga suki? Kung ang nakatambak na pagkain at alak sa hapag ang gagawing basehan, tiyak matagalan ang larong poker sa mini casino. Bakit hindi kayang patigilin ni Col. Rosendo Franco, ang hepe ng Pasay City police ang mini casino diyan sa Monica condo? May alam kaya sa operation ng mini casino si konsehal Tonya Cuneta? Alam kaya ng may-ari ng condo na dating hepe ng PNP ang nangyayari sa isang unit niya? ’Yan ang mga katanungan na sa susunod na mga araw natin malalaman ang mga kasagutan, di ba Gen. Querol Sir?

Kung sabagay, hindi na tayo magtataka kung hindi aksiyunan ni Mayor Trinidad ang mini casino dahil wala naman siyang ginagawa para alisin ang tag na ‘‘Sin City’’ ang siyudad niya taliwas sa pa-ngako niya noon. Halos tatlong termino na si Trinidad pero tuloy rin naman ang bold shows sa Miss Universal, at iba pang mga nightclub, at ang mga putahan at pasugalan diyan sa area niya. Isama na natin ang malaganap na drug pushing. At habang palapit na ang pagtatapos ng termino niya, tiyak hindi na kayang ikumpas ni Trinidad ang kanyang mga kamay laban sa illegal na namamayani sa kanyang siyudad, di ba mga suki? Kawawang residente ng Pasay, lalong nalugmok sila sa kahirapan sa ilalim ng liderato ni Trinidad.

Abangan!

Show comments